Nagpakatotoo lang ang actor-producer na si Joed Serrano nang opisyal niyang iniurong ang kandidatura niya sa pagka-senador sa halalan sa Mayo 2022.
Hindi raw niya kaya ang required campaign budget na P800 million.
Matatandaang isa si Joed sa mga nag-file ng Certificate of Candidacy sa Commission on Elections noong Oktubre. Sinabi niya na isusulong niya ang kapakanan ng mga members ng LGBTQIA community.

Image from Joed Serrano
“Nandito po ako para bigyan ng pansin, ng halaga, ng karapatan at isulong ang equality ng mga kauri ko. Tama po ang narinig ninyo… kauri ko ang sandatahang kabaklaan. Ako po si Joed Serrano, tumatakbo bilang senador. And I guess, I’ll be the first aspirant candidate to be very vocal na ako po ay isang bakla,” sabi niya sa maiksing talumpati matapos mag-file ng COC.
“Pasensiya po, kasi, mukhang nakalimutan ninyo kami. Walang plano, walang puwang, wala man lang advocacy sa aming mga bakla. Pero minsan pong narinig ko kung totoo man, na may nagsabing… masahol daw ang mga bakla sa hayop,” sabi pa niya na pinarunggitan ang presidential aspirant na si Senator Manny Pacquiao.
Ipinaliwanag ni Joed kung bakit siya umatras. Hindi raw niya kaya ang malaking halaga na kakailanganin ng isang senatorial aspirant para makapaglunsad ng nationwide campaign.
“P800 million daw ang kakailanganin ko para sa kampanya, na sa bandang huli ang ginastos ay babawiin lang sa taumbayan ‘pag nakaupo na,” paglalahad ni Joed.
“Hindi kaya ng aking kalooban ang laro ng pulitika kung saan ang mga tao ay sanay magbitaw ng mga pangako na sa huli ay napapako lamang. Ayokong baguhin ang sarili ko at sa huli ay tawagin lang mambobola,” dagdag pa niya.

Screenshot of Joed Serrano’s Facebook post
Napagtanto ni Joed na mahirap pala na tumakbo nang walang partido dahil sa laki ng magagastos sa kampanya.
Hindi pa rin daw niya tinatalikuran ang kaway ng pagseserbisyo sa publiko.
Kung hindi man daw ngayong darating na eleksyon, posible raw na sa ibang pagkakataon ay matuloy ang pagkandidato niya.
“Sa tamang panahon, alam ko na maaaring pasukin ko rin ang mundo ng pulitika. ‘Di man ngayon, pero maaring bukas makalawa o sa panahong kawayan uli ako ng mas malakas na tawag ng serbisyong totoo at paglilingkod,” aniya.

Image from Joed Serrano