Sino nga ba ang makalilimot sa tambalan nina Kaye Abad at John Lloyd Cruz? Sa pagmamahalan ng mga karakter na sina Rovic (John Lloyd) at Eds (Kaye) sa Tabing Ilog? Isa sa mga pinakasikat na love team ng kanilang panahon na nauwi sa isang totohanang relasyon?
Dahil sa Facebook post ng page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng netizens ang panahon ng kasikatan ng tambalan nina John Lloyd at Kaye na talaga namang kinakikiligan ng marami noon.

“Favorite ko sila! Tabing Ilog days,” kumento ng Facebook user na si A. Pareja.
“Sila ang favorite kong love team sa Tabing Ilog,” wika ni M. Busick.
Marami ang nagsabi na ibinalik ng simpleng litrato ng dating sikat na love team ang mga gunita mula sa kanilang teenage days. Mayroon pang umalala sa theme song ng nasabing hit youth-oriented series noong dekada 90. Ani Belinda Serano Lumacuas, “Barbie Almalbis pasok! ‘Sa ilog ang mundo’y tahimik, ako’y nakikinig sa awit ng hangin.'”

Screenshot from iWantTFC | YouTube
Noong 2019 ay inamin ng aktres na si John Lloyd ang kanyang first boyfriend at first love. Sa panayam kay Kaye sa Tonight With Boy Abunda, ibinahagi niya na espesyal sa kanya ang aktor dahil sa pinagsaluhan nilang “young love” noon.
“Simple lang ‘yong buhay ni John Lloyd before. Wala silang sasakyan. I live in Cavite. Ihahatid ko siya, Laguna, ihahatid ko siyang Pasig, saka ako uuwi ng Cavite,” pag-alaala ng aktres.

Screenshot from ABS-CBN Entertainment | YouTube
Noon pa man daw ay ramdam na ni Kaye na magiging award-winning actor si John Lloyd.
“Sa aming lahat sa Tabing Ilog, siya ‘yong nakitaan ko talaga ng malalim kapag umarte. ‘Yong natural. May nakukuha ako sa kanya na emosyon na totoo. So nakita ko na sisikat ‘to, iiwan ako nito, magla-love team ‘to ng iba. Bumea (Bea) Alonzo, e. Naligwak ako. Mestiza, e. Naiwan si Eds sa Tabing Ilog,” natatawang sabi niya.
At least, nasa friends zone pa rin naman sila siguro ano?