Isang Food Panda rider ang nag-donate ng kinita sa dalawang araw ng pagkayod para sa mga kababayan na nasalanta ng bagyong Odette kamakailan.
Sa isang Facebook post ay ibinahagi ni Fr. Fidel Roura, ang kura ng Quasi-Parish of Our Lady of La Salette sa San Jose del Monte, Bulacan, ang e-mail na natanggap mula sa hindi pinangalanang rider.

Imahe mula sa Facebook | Fr. Joseph Fidel Roura
Sa subject line nito ay nakalagay na “I care for my kababayan.”
“Hello po, Fr. Inilaan ko po ang kita ko sa pagbiyahe sa Food Panda ng dalawang araw po para maipadama ang pagmamahal at pagdamay ng aming pamilya sa mga sinalanta ng bagyong Odette. Hindi man po kalakihan pero sana ay makatulong. Maraming salamat at God bless po sa inyo,” sabi niya sa mensahe.
Kalakip din nito ang screenshot ng kaniyang donasyon na nagkakahalaga ng P1,500.
Sa update na ibinahagi sa Facebook page ni Fr. Fidel noong December 25 ay umabot na sa mahigit P6 million ang kanilang nalilikom sa fundraising na kanilang sinimulan kaya naman patuloy ang paghahatid nila ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Bohol, Surigao, Siargao, Sering, Dinagat Islands, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental, Palawan, at Southern Leyte.

Imahe mula sa Facebook | Fr. Joseph Fidel Roura
“Nakakagaan sa pakiramdam ‘yong naghihirap ka na pero nagkalaan ka pa rin ng panahon at pera para makatulong sa iba,” sabi ng kura. “Just keep the faith! Kasi hindi natutulog ang Diyos. Nakikita Niya ang kabutihang ginagawa mo.”
Marami rin ang humanga sa kabutihang puso ng rider.
“I salute you, Kuya rider! God bless you!” sbai ni Lian D.

Imahe mula sa Facebook | Fr. Joseph Fidel Roura
Samantala, ang iba naman, sinabing nakagagaan talaga sa pakiramdam ang pagtulong sa kapwa.
“Maraming taong nasa puso po talaga ang pagtulong at pagbibigay saya sa kapwa nang hindi naghahangad ng kahit anong kpalit. Maraming salamat sa mga taong ito at dahil sa kanila, maraming nagkakaroon ng pag-asa at gumagaan ang pakiramdam dahil alam nilang may mga taong handang dumamay sa kanila,” sabi naman ni Meliza G.