Bilang pagpapasalamat sa tulong na natanggap noon mula kay Vice President Leni Robredo, isang registered nurse ang nag-volunteer para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

Imahe mula sa Facebook | Abbygale Mitzi Traya
Sa kaniyang Facebook post, labis ang pasasalamat ng 6th placer sa November 2021 nursing board exam na si Abbygale Mitzi Traya sa tulong at pagtitiwala na natanggap mula kay VP Robredo noong siya ay reviewee pa lamang.
“Naalala ko pa noong June 30, 2020 nang maipaabot n’yo ang isang napakalaking biyaya na ibinigay n’yo po sa akin. Ni hindi ko inaakala na mapapansin n’yo po ang isang tulad ko na galing sa Siari, Sindangan, Zamboanga del Norte. Sino ba naman po ako noon?” panimula ni Abbygale.
Sa kabila nito ay nagtiwala raw sa kaniya si VP Robredo at pinadalhan siya ng laptop na nakatulong sa kaniyang online review.
“Ngunit nagtiwala po kayo sa akin at sana po ay nagawa ko pong suklian ang kabutihang loob na ibinigay n’yo po sa akin,” aniya pa.

Imahe mula sa Facebook | Abbygale Mitzi Traya
“Ang sabi n’yo po ay di na po dapat ipagkalat ngunit ngayon, gusto ko pong malaman nila na nagsilbi ko po kayong inspirasyon upang maging isang mabuting mamamayan, ‘yong tumutulong sa kapwa at may takot sa Diyos.”
Bilang pagpapasalamat, kabilang ngayon sa mga volunteer para sa mga nasalanta ng bagyong Odette si Abbygale.
“Gusto ko po sanang mag-volunteer. Siguro po sa pagdistribute po or ano po. Wala pa po kasi akong mai-donate. ‘Yong serbisyo ko po sana ang iaalay ko po,” ani Abbygale sa mensahe sa Robredo People’s Council.

Imahe mula sa Facebook | Abbygale Mitzi Traya
Ngayong isa nang ganap na nurse, nais daw niyang masuklian ang kabutihang loob na natanggap noon.
“Hindi ko po alam kung paano ko po masusuklian ang inyong kabutihang loob, ngunit ngayon na isa na po akong ganap na REGISTERED NURSE, sasabihin ko po sa inyo na VP Leni, ako naman. Hayaan nyo po akong makabawi sa inyo po,” sabi ni Abbygale.
“Maraming salamat po sa inyong kabutihang loob at sana po ay naging proud po kayo sa akin.”
Ibinahagi naman ni VP Robredo ang post ni Abbygale at sinabing proud siya rito. “We are so proud of you,” sabi ng pangalawang pangulo.