Habambuhay na kulong at multang P5M sa mga bank hackers

Haharapin ng mga sangkot sa hacking ng 700 BDO Unibank deposit accounts ang kasong economic sabotage, ayon sa isang mambabatas.

Sinabi ni Anakalusugan Representative Mike Defensor na batay sa Republic Act No. 11449 na nagtataas ng parusa sa labag sa batas na paggamit ng mga electronic access devices tulad ng personal identification number, codes, username, passwords, cards at iba pa,  ang mga hackers ng nabanggit na bangko ay mahaharap sa habambuhay na pagkabilanggo.

Image from Rep, Mike Defensor

Bukod pa iyon sa limang milyong pisong multa.

Aniya, ang ilegal na pagpasok sa computer system ng bangko para nakawan ang hindi bababa sa 50 accounts ay  itinuturing na economic sabotage.

“The act of breaking into a bank’s computer system and stealing money from more than 50 deposit accounts constitutes economic sabotage. Under the law, the offense is punishable with life in prison and a fine of up to P5 million,” ani Rep. Defensor.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay umabot sa 700 depositors ng BDO Unibank ang nagreklamo na nagkaroon ng unauthorized bank transfer mula sa kanilang accounts patungo sa diumano ay fictitious UnionBank account na “Mark Nagoyo.”

Sa isinagawang pag-iimbestiga, napag-alaman ng UnionBank na anim na tao ang nagkutsabahan para ma-hack ang mga bank accounts ng mga biktima.

Hindi pa malinaw kung magkano ang natangay ng mga hackers, subalit may isang lumabas na ulat na umabot iyon sa limang milyong piso na ginamit umano ng mga suspek sa pagbili ng cryptocurrencies.

Image from Pixabay

Kaugnay ng mga pangyayari, nanawagan si Rep. Defensor sa Bangko Sentral ng Pilipinas na obligahin ang mga bangko na panatilihin ang  pagiging alisto kontra cybercrimes tuwing weekends at holidays.

Sinabi niya na hindi kaila na marami sa mga cyberattacks sa banko ay nangyayari kapag weekend at holiday. Ang praktikal na solusyon daw ay ang maging mas vigilant sa mga araw na iyon ang mga bangko.

Image from PNA

Post a Comment

Previous Post Next Post