Hanggang saan ang kayang gawin ng isang ina at maybahay para sa kanyang pamilya? Para sa dating OFW na ngayon ay isa nang Filipino-Canadian, endless ang possibilities basta’t may sipag at tiyaga ka na nilahukan ng pagmamahal sa iyong ginagawa.
Ito ang pinatunayan ng dating OFW sa Morocco na si teacher Racz na ngayon ay residente na ng Canada. Dahil sa pinagdaanan sa buhay ay natutunan niyang maging masinop at matipid. Naging bahagi na rin ito ng kanyang pagkatao – ang maging creative at matiyaga para makatipid at mas maging financially independent, ‘ika nga. Mas naa-appreciate ito ng kanyang pamilya at maging ng kanyang asawang Canadian at mga biyenan.

Para sa Pamilya
Kamakailan ay ginawaan niya ng Frozen ice palace ang kanyang panganay na anak para sa ikaapat na kaarawan nito. Malaking katipiran na, may personal touch pa na labis na nagustuhan ng kanyang anak at labis na hinangaan ng kanyang mga in-laws at mga kaibigan. Pero hindi na raw nasurpresa ang MIL ni Racz dahil alam nilang napakamaabilidad at matiyaga ito sa mga ganoong bagay.

Tunay ngang matatawag siyang DIY (do it yourself) queen dahil mula sa mga upuang nireupholster, tufted headboard, at mga selebrasyon ng kaarawan, pati sarili niyang kasal ay siya rin ang personal na nag-asikaso. Yes, siya rin ang tumahi ng kanyang wedding gown na convertible sa formal dress, gumawa ng mga decor at giveaways, at marami pang iba. Kaya’t hindi nakapagtataka na labis siyang hinahangaan at kinabibiliban ng kanyang kabiyak ng puso. Madiskarte talaga ang Pinay na masasabi mong ‘small but terrible.’
Sa kanyang mga vlogs ay mapapanood ang ilan sa kanyang mga ginawa: 1) DIY Hand-stitched $30 wedding gown, 2) DIY Wedding decors/preparations 3) Easy DIY Tufted Headboard using a peg board 4) DIY Reupholster ng dining chairs 5) DIY Playhouse gamit ang malalaking karton 6) DIY birthday decors at marami pang iba.

Sino si Racz Kelly?
Habang ang iba ay puro himutok sa kanilang kalagayan sa buhay, ang Pinay na si Raquel D. Padilla na mas kilala bilang ‘Racz Kelly’ ay ginamit ang kanilang kahirapan bilang inspirasyon at motibasyon para mabago ang kalagayan ng kanilang pamilya.
“Lumaki akong salat sa lahat, sa maraming bagay. Ang alam ko lamang, naging daan ang mga ito upang maabot ko ang aking mga pangarap,” pagbabahagi nito sa isang Facebook post noon.
Lumalakad pala silang magkakapatid ng walong kilometro patungo sa paaralan nila sa Capiz. At nang sumakabilang-buhay ang kanilang ama dahil sa mabigat na karamdaman ay napalipat sila sa Bulacan. Doon na sila nanirahan at nagsikap na patuloy na mabuhay. Nag-ala wonderwoman umano ang kanilang ina upang makaraos sila sa araw-araw.
“Naging tindera sa sidewalk ng Commonwealth na nakikipagkarerahan sa mga pulis kapag nagkakahulihan. Nagtrabaho sa pabrika ng mga bihon, damit, naging janitress, nagtinda ng balut, mais at maging tagapag-alaga ng baboy ng kapitbahay. Ganyan kasipag ang nanay ko. Kahit ano na lang ay ginagawa niya upang matustusan kami,” kuwento ni Racz.
Nagtulong-tulong ang lahat para sa pamilya; sari-saring trabaho ay pinasok nila.
“Ako naman ay naging Study Now, Pay Later Scholar ng lungsod ng San Jose del Monte Bulacan. Nakatapos ako sa college sa kursong Bachelor of Science in Mathematics for Teachers sa tulong ng munisipyo ng San Jose del Monte at ng auntie ko na nagpatira sa akin sa Malabon at siya ring nagbibigay sa akin noon ng baon araw araw,” aniya.
Nang makatapos sa pag-aaral ay nakapagturo siya dito sa Pilipinas, ngunit nang sinubukan niyang mag-apply sa abroad ay pinalad naman siyang makaalis.
Noong 2006, 22-anyos pa lang si Racz, ay nagsimula na ang kanyang life-changing journey sa ibayong dagat. Morocco ang una niyang destinasyon.
“Napakagaan ng aking trabaho. Hindi rin ako nagtatrabaho ng gawaing bahay. Kapag hindi ako nagtuturo, pinapayagan akong gawin ang nais ko. Malaya ako noon ngunit naghangad ako nang sobra,” kuwento niya. Makalipas ang tatlong taon doon ay nagdesisyon siyang hanapin pa ang mas magandang kapalaran.
“Hindi ako nakuntento sa aking sahod na tinatanggap dahil naniniwala akong may naghihintay sa aking mas maganda pa roon sa aking trabaho,” saad niya.
Pero hindi maganda ang mga sumunod na pangyayari pagkat hindi tinatanggap ang walang Master’s degree sa mga American Schools sa Morroco. Kailangan pa niyang muling mag-aral doon. Naubos ang kanyang ipon at nawalan siya ng choice kung ‘di pumasok bilang kasambahay. Hindi rin iyun umubra sa may kaliitang si Racz kaya’t agad din siyang bumitiw.
Halos isang taon siyang walang permanenteng trabaho at napilitang umasa sa tulong ng iba, hanggang sa palarin na siyang makarating sa Canada taong 2010. Masuwerte umano siya sa naging boss, pero pag-amin niya, kinailangan niya ng matinding disiplina para magkaroon ng focus sa kanyang goals sa buhay.
“Kung hindi ko dinisiplina ang sarili ko, malamang ay wala pa rin akong naipupundar sa ngayon. Hindi ako bumibili ng luho, hindi ako kumakain ng mga mamahaling pagkain at tiniis ko ang pagpasyal kung saan saan, makaipon lamang ng halaga para maihulog ko sa bahay na napili ko,” pagpapatuloy niya. “Unti-unti ko nang natupad ang mga pangarap ko at nakakapag-abot pa ako sa mga nangangailangan ng tulong. Ibinabalik ko lamang ang mga biyayang natatamo ko noon dahil noong ako’y nangailangan, marami rin ang tumulong sa akin.”

Isang dating blogger si Racz at nakasama niya ang DF Bloggers Intl. Naging awtor na rin siya ng dalawang aklat; ang “Tiis, Sipag at Tiyaga” taong 2012 na nagwagi bilang “Best Book” sa Migration Advocacy Media Awards na inorganisa ng Commission on Filipinos Overseas. Pangalawa ang “Sindi ng Lampara” kasama ang iba pang DF bloggers na karamihan ay mga OFW. Nagkamit din ito ng karangalan na Best Print Award taong 2013.
11 Years After
Makailang beses na rin niyang nakasama ang kanyang nanay sa Canada na para sa kanya ay superhero nilang lahat. Natulungan na rin niya ang isang kapatid na makarating at manirahan doon.
May sarili na silang bahay na katas ng pagtutulungan nilang mag-asawa at may paupahan na rin. Pagdating sa pinansyal na usapin, patuloy ang pag-aaral ni Racz kaugnay sa wise investments at income generation. Ibinabahagi niya ang mga karanasan at diskarte tips sa kanyang mga vlog sa YouTube. Kinakaya niyang balansehin ang pagiging ina sa dalawa nilang anak ng kanyang esposo habang nagtatrabaho.
Natutunan niya na walang “shortcut to success.’ Aniya, “Lahat ng ating pinagdadaanan ay gawing inspirasyon upang mas matuto tayo sa buhay”.
Maraming tips at payo ang Pinay wonderwoman sa kanyang YouTube channel.
DIY haircut, manicure – https://www.youtube.com/watch?v=xW7b9DPzILo
