Kilalanin ang bagong weatherman ng TV Patrol

Kamakailan lamang ay pormal nang ipinakilala sa TV Patrol ang bago nitong resident meteorologist na si Ariel Rojas; ang pumalit sa dating weatherman na si Kuya Kim Atienza.

Imahe mula sa Instagram | Karen Davila

Binigyan ni TV Patrol anchor Karen Davila ng warm welcome ang bagong kasama sa isang Instagram post. Ani Karen, personal na binati ni ABS-CBN News head Ging Reyes si Ariel sa una nitong pag-ere.

Emosyonal din ang ama ni Ariel nang mapanood ito sa telebisyon. “Let’s give a WARM WELCOME to TV Patrol’s new weatherman, PAGASA meteorologist @arielrojasph… Naiyak ang Tatay ni Ariel habang pinanonood siya sa TV. So happy for your big break, Ariel!” sabi pa ni Karen sa caption.

Sa isang panayam sa ABS-CBN News ay ibinahagi ni Ariel ang mga pinagdaanan bago maging isang ganap na meteorologist.

Dahil laking Catanduanes, isang lugar sa bansa na madalas daanan ng bagyo, ay saksi si Ariel kung paano nakaaapekto ang panahon sa buhay ng marami. Ito rin ang dahilan kung bakit sa murang gulang ay alam na niya ang kahalagahan ng sapat at napapanahong impormasyon patungkol sa panahon.

Imahe mula sa Instagram | Ariel Rojas

Isa sa mga hindi malilimutang karanasan ni Ariel ay ang hagupit ng bagyong Rosing noong 1995.

“Magkakasama kaming family. Ang takip lang namin, parang ’yung mantel na makapal na nilalabas lang ‘pag fiesta, kasi ’yung bubong namin sa second floor, nipa shingles lang. So nilipad na at nabutas na,” kuwento niya sa ABS-CBN.

Sa kabila nito, hindi naman meteorology ang kaniyang naging dream course dahil mas interesado siya noon sa geography. 

Subalit dahil may mga pangangailangang kailangang tustusan, napagtanto niyang hindi ito ang kurso para sa kaniya. Sa halip ay kumuha siya ng Bachelor of Sciences in Food Technology sa University of the Philippines.

Noong nasa kaniyang senior year na ay kinailangan niyang huminto sa pag-aaral upang suportahan ang kaniyang mga kapatid. Nang makapagtapos na ang dalawang nakababatang kapatid ay saka lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na ituloy ang nasimulan.

Imahe mula sa Instagram | Ariel Rojas

Nang makuha ang degree ay nagtuloy rin siya sa pagkuha ng Masters in Meteorology. Natapos niya ito taong 2017 pagkatapos ng apat na taon dahil kinailangan niyang suportahan ang gamutan ng inang may malubhang karamdaman.

Dito na siya nagsimulang magtrabaho bilang meteorologist sa state weather bureau na PAGASA at kalaunan ay bilang pinakabagong meteorologist ng ABS-CBN, kasunod ng mga yapak nina Ernie Baron at Kuya Kim.

Samantala, nagpahayag naman ng kaniyang suporta si Kuya Kim para kay Ariel. “Good choice. All the best,” ani Kuya Kim sa post ng isa TV Patrol anchor na si Gretchen Fullido.

Post a Comment

Previous Post Next Post