Sa presscon ng horror movie niyang “Huwag Kang Lalabas” na opisyal na kasama sa 2021 Metro Manila Film Festival, inamin ni Kim Chiu na matatakutin siya.

Image from Obra Cinema
Sa kabila niyon ay tinanggap niya ang paggawa ng naturang pelikulang katatakutan dahil na-miss na raw niya ang pag-arte sa pinilakang tabing. Ang paggawa ng horror movie raw ang paraan niya upang ma-overcome niya ang kanyang fear.
Takot daw siya sa multo pero hindi pa naman daw siya nakakakita noon dahil may pangontra siyang isinusuot – diamond earring o necklace. Ganoon daw ang paniniwala nilang mga Chinese.
Naungkat ang isyu sa kanila ni Bea Alonzo nang may nagtanong sa kanya kung natatakot ba siya na susunod nang mawawala ang litrato niya sa ABS-CBN.
Matatandaang nabatikos siya nang ipinost niya noon ang isang video sa social media kung saan makikitang may litrato ng artista na tinatanggal sa isang hallway ng ABS-CBN.
Maririnig sa video na nagtatawanan sila ni Amy Perez habang tinatanggal ang litrato sa dingding.
Minasama ng mga fans ni Bea Alonzo ang video, na agad tinanggal ni Kim, subalit ibinalik din dahil wala naman daw siyang masamang intensyon.
Dahil naungkat sa presscon ng “Huwag Kang Lalabas” ang isyu kay Bea Alonzo ay nagpaliwanag ang chinitang aktres.

Image from Kim Chiu’s Instagram account
“Sobra kayo! Katuwaan lang namin, nilagyan kaagad ng pangalan, buti sana kung ibang tao ‘yun. ‘Yun nga natakot din ako do’n. ‘Yun pala ‘yun, bakit sinabi ko ba kung sino ‘yun wala naman, sila lang naglagay ng meaning,” sabi ni Kim.
Isa pa hindi naman daw nila alam kung kaninong litrato ang tinanggal.
“O, parang anong gagawin natin Tyang Amy? Magtutula tayo do’n? Tapos nagkataon nagtanggalan ng pictures. Tapos sabi namin kay Kuya, sino ‘yan? Sino diyan? E, hindi sinasabi kung sino,” paliwanag pa niya.
Nilinaw niya na wala naman silang naging isyu ni Bea Alonzo dahil doon. Nauunawaan din niya ang naging reaksyon ng mga fans ni Bea dahil ganoon daw talaga ang mga fans – protective sa kanilang idol.

Composite photos of Kim Chiu and Bea Alonzo