May ‘kawawang cowboy’ na umantig sa maraming tao sa social media. At dahil sa KMJS ay nalaman natin ang kuwento sa likod ng nag-viral na video ng isang bata na umaawit at nagpapatugtog ng gitara nang buong husay.

Meet Jumong, ang talentadong bata ng Maasim, Sarangani Province. Napabilib niya ang maraming netizens dahil sa husay niyang umawit habang naggigitara at nagme-medley performance pa ha.
Siya si Mark John Paul D. Patual, 14 anyos, at tinatawag na pride ng Colon, Maasim. At kamakailan ay dinayo siya ng Kapuso Mo, Jessica Soho team para malaman ang kanyang kuwento at masagot na rin ang katanungan ng marami niyang fans sa social media.

Ang nakaimpluwensiya umano kay Jumong ay ang kanyang Lolo Rogelio na isang musikero at siyang nagturo sa kanyang tumugtog ng gitara. Dahil sa kakapusan sa buhay ay nanghihiram lang pala siya ng gitara sa kanyang pinsan.
Aniya, baka kung may sarili siyang gitara ay mas gagaling pa siya. Ang kaniyang ama ay isang mangingisda at may munting tindahan naman ang kanyang nanay. Kung kinaaawaan man si Kumong, iyon umano ay dahil sa diprensya sa kanyang mga mata. Hindi siya lubusang bulag at nakakaaninag naman. Hindi siya gaanong makakita kapag malayo ang distansya.
Ang kondisyon niyang ito umano ang nagmulat sa kanya na hindi patas kung tignan siya ng lipunan. Mayroon kasing nanunukso sa kanya. Nais niya ng peaceful life kaya’t hindi na lamang niya pinapatulan ang mga ganoong pagtrato sa kanya.
Salamat sa KMJS at napatignan ang kanyang mga mata na congenital pala ang kondisyon at malabong maoperahan. Low vision aid o magnifier naman ang tulong na maibibigay sa kanya upang mas luminaw ang kanyang paningin.

May pangarap din naman ang batang si Jumong. Kabilang dito ang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Nais niyang mas mahasa pa ang kanyang talento kaya’t hinandugan siya ng KMJS ng sarili niyang gitara! Magkahalong tuwa at luha ng kaligayahan ang namayani sa kanya.
“Sobrang saya ko, na bigay sa akin ng Panginoon ito,” emosyonal na nausal ni Jumong. Maging ang kanyang pamilya ay inabutan ng tulong ng GMA people.
Mababanaag mo sa kanya ang mabuting pagpapalaki ng kanyang mga magulang. Hindi nakapagtataka na bumuhos ang mga positibong komento sa bata. Hangad ng marami ang kanyang kaligayahan at mas magandang kinabukasan.
Panoorin ang pagdalaw ng Kapuso team at lalo mong hahangaan ang batang si Jumong.
Nabitin ka ba sa kanyang performance? Narito ang isang medley video na ibinahagi ng Kumo TV na siguradong iyong kawiwilihan.