Nagbebenta ng money envelops na mukhang P1000 banknote dinakma ng NBI

Kamakailan lang ay kumalat sa isang social media platform ang ilang larawan  ng Christmas party kung saan may isang “ninang” na nagbibigay ng aginaldo sa mga dumalo sa kasiyahan.

Isang larawan ang nagpapakita na hawak ng “ninang” ang maraming pera na sa unang tingin ay aakalin mong tunay na tig-iisang libong piso.

Screenshot from 24 Oras video

Mababakas sa mga bisitang nakapaligid sa kanya ang kasiyahan sa kanilang mga mata habang naghihintay na maabutan ng isanlibong piso.

Isa-isang pumila ang mga bisita, bata at matanda, upang tanggapin ang aginaldong “isanlibong piso” na marami-rami na rin ang mabibiling panghanda sa Pasko o sa pagsalubong sa bagong taon.

Pero “joke” lang pala ‘yun.

Ang inakalang isang libong piso ay isa lang palang money envelop na may laman na singkwenta pesos.

Nagdulot iyon ng kasiyahan sa lahat.

Pero, bawal pala ang pag-iimprenta ng ganoong uri ng money envelop.

Nasampolan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang seller ng cash envelops na may disenyong P1000 banknote.

Dinakma ng NBI agents, kasama ang ilang kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang seller sa General Mariano Alvarez, Cavite matapos nitong magbenta ng 150 piraso ng nasabing cash envelops sa isang undercover agent.

Hawak pa ang marked money na ginamit ng mga otoridad, mariing itinanggi ng babaeng suspek na siya ang nag-imprenta ng mga cash envelops. Reseller lang daw siya.

Screenshot from 24 Oras video

‘Hindi naman po ako yung gumagawa nu’n. Nag-re-resell lang po ako,” umiiyak na paliwanag ng babae sa mga NBI agents.

Sinabi naman ng mga ahente ng NBI na bibigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag ang suspek doon sa kanilang tanggapan.

Ayon sa isang opisyal ng BSP, sa ilalim ng BSP circular 829 series of 2014 ay mahigpit palang ipinagbabawal ang paggamit ng mga Philippine banknotes bilang disenyo sa pag-iimprenta maliban na lang kung may permisong ibinigay ang BSP.

Sinabi ni Atty. Ruel Dugayon, may kulong na lima hanggang sampung taon ang lalabag sa naturang kautusan.

Screenshot from 24 Oras video

Post a Comment

Previous Post Next Post