Pangulong Duterte iniatras na rin ang kandidatura sa pagka-senador

Iniatras na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador; ilang oras lamang matapos mag-withdraw ang kaniyang dating special assistant na si Senador Bong Go.

Kasama si Executive Secretary Salvador Medialdea, nagtungo si Pangulong Duterte sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) nitong Martes, Disyembre 14, upang gawing pormal ang kaniyang pag-atras sa darating na election 2022.

Imahe mula sa Twitter| Llanesca T. Panti

Ibinahagi rin ni Comelec Spokesperson Atty. James Jimenez ang larawan ng Pangulo kasama si Medialdea sa  loob ng kanilang opisina habang pinoproseso ang dokumento.

“The President has filed his withdrawal from the Senatorial elections,” ani Jimenez sa isang tweet.

Unang kinokonsidera si Pangulong Duterte bilang pambato sa pagka-bise presidente ng PDP-Laban Cusi wing pero si Senador Bong Go ang nag-file ng kandidatura sa naturang posisyon.

Screenshot mula sa Twitter| James Jimenez

Subalit nang mag-file muli si Go bilang kandidato sa pagka-pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), inanunsiyo niya na tatakbo si Duterte bilang senador ng kanilang partido.

Nitong Martes nang umaga ay nagtungo rin sa Comelec si Go upang mag-file ng withdrawal ng kaniyang kandidatura sa pagka-presidente.

BASAHIN: Bong Go pormal nang nag-withdraw; nag-taxi lang papuntang Comelec

Dahil dito, naiwang walang standard bearer ang administration party PDP-Laban matapos ding umatras sa presidential race si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa noong nakaraang buwan.

Imahe mula sa Facebook| Bong Go

Hindi naman nagbigay ng paliwanag ang Office of the President (OP) tungkol sa tunay na dahilan ng pag-atras ng presidente subalit noon pa man ay sinabi na ni Duterte na nais na niyang magretiro sa pulitika pagkatapos ng kaniyang termino sa 2022.

Samantala, nilinaw rin ni Go na wala pa silang napipisil ni Pangulong Duterte na susuportahan sa pagkapangulo subalit tiyak na umano ang kanilang suporta kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Si Inday Sara ay tumatakbo sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Lakas-CMD ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at umanib na rin sa kampo ni dating Senador Bongbong Marcos.

Post a Comment

Previous Post Next Post