Sharon inaming si Rowell Santiago ang kaniyang ‘TOTGA’

Inamin ni Sharon Cuneta na ang dating kasintahang si Rowell Santiago ang kaniyang ‘TOTGA’ o ‘the one that got away’.

Sa isang Instagram post noong isang araw, ibinahagi ni Megastar ang lumang larawang magkasama sila ni Rowell na dati niyang ka-love team noon sa pelikula.

“I can live without most everyone else (*including any other ex!) outside of my family, but I can never live without this boy in my life,” caption ng beteranang singer-actress sa kaniyang IG post.

Screenshot mula sa Instagram| Sharon Cuneta

Si Rowell ay nakatambal niya sa ilang teen romance flicks noong 80s gaya ng ‘Cross My Heart’ at ‘Friends in Love’.

“One of my bestest friends, TV show and concert director, leading man. Always the lovest. Like Kiko, his heart is so pure. So decent. A true gentleman. Truly TOTGA,” dagdag pa ni Megastar.

Muling nagkasama ngayon sa ‘FPJ’s Ang Probinsiyano’ ng ABS-CBN sina Sharon at Rowell matapos maging bahagi rin ng Kapamilya teleserye ang aktres simula noong nakaraang buwan.

Screenshot mula sa You Tube| Cross My Heart

Si Rowell ang gumaganap bilang President Oscar Hidalgo/Mariano sa naturang action-drama series, habang ‘Aurora’ naman ang papel ni Sharon.

Nauna nang sinabi noon ni Sharon na mayroon siyang dalawang TOTGA bagama’t hindi niya ito pinangalanan. Inamin ng premyadong aktres na si Rowell lamang ang nag-iisang lalaki na labis niyang nasaktan ang puso.

Binanggit niya rin dati na ang pangalan ng kaniyang ‘great love’ ay nagsisimula sa letrang ‘R’.

Screenshot mula sa You Tube| Friends in Love

Maliban kay Rowell Santiago, nakarelasyon din ng aktres ang mga aktor na sina Richard Gomez at Robin Padilla nang matapos ang relasyon nila ni Gabby Concepcion bilang mag-asawa.

Sa kasalukuyan, kasal na si Sharon kay Senador Kiko Pangilinan at mayroon na rin silang ilang anak.

Post a Comment

Previous Post Next Post