Kilala ang TV host-comedian na si Willie Revillame na bukas ang palad sa pagtulong sa mga kababayang nangangailangan.
Isa siya sa iilang Pinoy celebrities na agarang nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette. Sa katunayan ay kasama siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paglibot sa mga lugar na labis na naapektuhan ng malakas na hagupit ng bagyo.

Image from PCOO
Pero ayon sa batikang host at entertainment columnist na si Cristy Fermin, nais man daw ni Willie Revillame na abutan ng pera ang mga nadaraanang mga bata at matatanda sa lugar na pinuntahan nila ay hindi nito nagawa.
Pinagbawalan daw siya. Kahit gustung-gusto niyang gawin ay hindi niya nagawang mamigay ng pera katulad ng palagi ng ginagawa niya sa programa niyang “Wowowin.”
Posible raw kasing maging mitsa ang pamumudmod niya ng pera ng stampede.
“Sabi nga ni Willie nag-usap kami, ‘alam mo Inang ang sarap sanang mamahagi ng konting tulong lalo na sa matatanda at bata pero sinabihan ako nu’ng nagga-guide sa akin, ‘kuya Will ‘wag kang magsimula baka magka-stampede. Kasi nga kung magbibigay siya ng isang libo sa matanda at bata, e, baka magkagulo kaya hindi niya nagawa pero gustung-gustong niyang gawin,” pagbabahagi ni Nay Cristy sa programa niyang Cristy Ferminute.
Ang ginawa raw ni Willie ay sa mga mayor na lang niya inabot ang halagang ipantutulong sa mga apektadong residente.
“’Huwag daw, sabi ng mga nakapaligid sa akin na tagaroon, dahil kapag nag-umpisa akong namigay ng pera, siguradong magkakagulo. So, ang ginawa ko, ang mga mayors ang binigyan ko ng amount na maipangtutulong sa kanila,’ kuwento umano ni Kuya Wil.

Image from PCOO
Ilang araw ding nawala si Willie sa programa niyang Wowowin dahil sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Odette.
Ang batikang komedyanteng si Michael V ang pansamantalang humalili sa kanya bilang si “Kuya Wowie.”
“Kaya ako nandidito, si Kuya Wil lumipad papuntang Mindanao para maghatid ng tulong sa mga kabbayan nating nasalanta ng bagyong Odette,” sabi ni Michael V.

Screenshot from Wowowin