Nakalaya na ang 80-anyos na lolo na kinasuhan dahil sa diumano’y pangunguha ng bunga mula sa puno ng mangga na nasa bakuran ng kapitbahay sa Pangasinan.

Ayon sa News 5, kinumpirma ng PNP Asingan na maraming nagmagandang-loob na ibigay ang P6,000 piyansa na kailangang bayaran ni Narding Floro. Kalaunan ay naayos na umano ang mga papeles ni Floro at nakalaya na siya.
Isang linggo na umanong nasa piitan si Floro matapos dakpin noong Enero 13. Ang ugat nito ay ang reklamong pangunguha umano ni Floro ng 10 kilo ng mangga.
Paliwanag ni Floro, siya ang nagtanim ng mangga ngunit nang maglagay ng bakuran ang nagrereklamo ay sinakop na rin nila ito.
“Pinipitasan ko ‘yong isang puno ng mangga. Wala pang sampung kilo. Ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman ‘yon,” paliwanag ni Floro ayon sa naunang post ng PIO Asingan na ngayon ay deleted na.

Ninais sana niyang makipagkasundo na lang sa nagreklamo ngunit hindi raw ito pumayag.
“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay. Noong ibibigay ko ‘yong bayad ayaw nilang tanggapin. Ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo,” kuwento pa niya.
Marami ang nagpahayag ng suporta para kay Floro, kabilang na ang aktres na si Ryza Cenon.

Nakikipag-ugnayan na raw ang handler ni Ryza na si Caryl Ann Paraico sa Asingan PNP upang makapag-abot ng tulong kay Floro, ayon sa ulat ng PEP.
Samantala, maging ang netizens ay nalungkot sa pangyayaring ito. Maaaring may iba pang anggulo sa usaping ito sa panig ng nagreklamo o ng may-ari. Protocol kasi na sa barangay muna ang mga ganitong isyu. Mensahe ng social media users, higit na kailangang mag-unawaan sa panahon ng pandemya.
“Sana pag-usapan na lang ito sa barangay. Sa panahong ito, dapat tayong magtulungan at unawain ang bawat isa. Kung may pagkakamali man si Lolo, dapat ibigay na lang natin ang kapatawaran ‘pagkat ito’y matanda na. Alalahanin natin ang saying na, ‘To err is human, to forgive is divine,’” komento ni S. Velasco.