Sa kabila ng ibayong pag-iingat, nahawa pa rin sa COVID-19 ang beteranong Kapuso broadcaster na si Arnold Clavio.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Arnold na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpositibo siya sa virus sa loob ng dalawang taon simula nang sumiklab ang pandemya.
Bagama’t mild lamang ang kaniyang sintomas, pinaalalahanan ni Igan ang kaniyang mga followers na ‘totoo’ at ‘seryoso’ ang COVID.

Screenshot mula Instagram| Arnold Clavio
“It’s real and serious… Although may mild symptoms ako, like cough due to hyperacidity,” ani Arnold.
Huwebes umano noong nakaraang linggo nang magkaroon siya ng close contact sa isang nagpositibo sa virus kaya nagpa-antigen test agad siya subalit negative naman daw ang resulta. Upang makasiguro, sumailalim rin siya sa RT-PCR test at nag-negative uli.

Imahe mula Instagram| Arnold Clavio
Subalit nitong Linggo, Enero 9, muli siyang nag-antigen test at dito nga siya nagpositibo sa COVID-19.
“This morning, para makasiguro, I had my antigen test again and bad news – I am ‘positive’… And the only way to fight this virus is a positive thought…” paglalahad ni Arnold.
“Sa kabila ng pag-iingat ko, wearing of mask, hand washing, social distancing, vitamins, immune booster, lots of vitamin D, tinamaan pa rin ako and I don’t know how… So be careful everyone,” dagdag pa ng premyadong TV at radio host.
Base sa pinakahuling Instagram post ni Arnold, nasa ikaapat na araw na siya ng self-isolation at nagpositibo pa rin sa virus nitong Lunes.

Screenshot mula Instagram| Arnold Clavio
“Occasional cough plus sore throat ang aking symptoms… No fever, no body pains, no headache… Tried today a combination of honey, turmeric and lime juice for the soothing of my throat… Again, thank you for all your love and prayers…,” bahagi pa nito.
Isa lamang si Arnold Clavio sa mga kilalang personalidad na tinamaan ng COVID nitong mga nagdaang araw lamang.
Kabilang sa mga pinakahuling nagpositibo sa virus ay sina Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, Pampanga Rep. Mikey Arroyo, Quezon City Rep. Alfred Vargas, volleyball star Alyssa Valdez, Gretchen Fullido at maging ang ‘Pinoy Big Brother’ housemate na si Samantha Bernardo.