Naglabas ng kaniyang reaksyon ang GMA Kapuso news anchor na si Arnold Clavio, kaugnay sa pahayag ng tagapagsalita ng Commission on Election (Comelec) na si Director James Jimenez, na kailangang magsuot ng face mask at face shield ang mga boboto sa darating na Eleksyon sa Mayo 2022. Kung hindi ay hindi sila papayagang bumoto.
Nag-post sa Instagram nitong Enero 27, si ‘Igang Clavio ng kanyang reaksyon na may pamagat na ‘TILAMSIK NI IGAN’
Pasimula niya sa kanyang IG post ang isang pahayag mula kay Edward Snowden, isang American author, dating Intelligence Community officer at whistleblower.

“There can be no faith in government if our highest offices are excused from scrutiny — they should be setting the example of transparency,” — Edward Snowden.
Ayon kay Igan, natuwa siya sa huling pahayag ng tagapagsalita ng Commission on Election, na si Director James Jimenez, na kailangang magsuot ng face shield ang mga boboto sa darating Eleksyon 2022.
Ito umano ay dagdag proteksyon para sa mga botante at para na rin sa ating mga guro na uupo bilang Board of Election Officer.
Ngunit may iba pang ipinararating sa publiko si Igan. “Pero sa akin ito ay magandang pagpapaalala sa mga botante kung papaano pinagsamantalahan ng mga taong malapit kay Pangulong Duterte ang pagdurusa ng mga Pilipino sa gitna ng pandemic.”

Imahe mula Instagram| Arnold Clavio
“Ang ‘face shield’ ay mukha at simbolo ng korapsyon sa ilalim ng Duterte Administration at sa kanilang covid response.”
“Hanggang ngayon ang tanong para sa akin na pilit di pa rin masagot nang malinaw ay kung bakit sa ‘Pharmally Pharmaceuticals Corp. pinagkatiwala ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang may 8 bilyong piso mahigit para sa kinakailangan na medical supplies.”
“Hindi ako magtataka na hanggang ngayon ay pinagtatawanan pa rin nina Michael Yang at Atty. Christopher Lao ang mga Senador, ang mamayang Pilipino o maging si Mayor.”

May diing paalala naman si Igan sa mga botante sa darating na halalan.
“Kaya sa darating na Mayo ngayong taon, HUWAG KALIMUTAN NA MAGSUOT NG FACE SHIELD at HUWAG NA HUWAG KALIMUTAN KUNG PAPAANO TAYO NA-BUDOL NG MGA MALAPIT KAY PANGULONG DUTERTE NG 8 BILYONG PISO.”
“Walang Personalan,” ang huling niyang mensahe.