Itinanggi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naniningil ang gobyerno ng ‘medical bond’ mula sa mga aplikanteng hindi pa bakunado kontra COVID.
May kumalat kasing ‘guidelines’ umano na nanggaling sa IATF kung saan nakasaad dito na kailangang magbayad ng halagang P6,000 ang mga aplikanteng nais magtrabaho sa gobyerno.
‘Pirmado’ pa ito ng ilang opisyal gaya nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang tagapagsalita ng IATF.
Ayon kay Bello sa panayam ng ABS-CBN News, peke ang naturang guidelines dahil mali ang mga pirma bukod sa wala naman talaga silang sinisingil na ‘medical bond’.
“Wala. When you apply for a job you’re not supposed to pay for any bond, employment process, walang ganu’n… Ang mga signatories ng IATF ay either the chairman or co-chairman so out na ako diyan,” paliwanag ng kalihim.

Nilinaw naman ni Bello na may karapatan ang mga kompanyang mamili ng trabahador na fully-vaccinated na.
Subalit hindi umano maaaring tanggalin sa trabaho ang mga kasalukuyang empleyado na hind bakunado at hindi rin sila maaaring pilitng magpabakuna dahil walang batas na nagsasaad nito.
Samantala, nauna nang naglabas ng babala ang Office of the Spokesperson (OPS) ni Nograles laban sa nasabing scam.

“The OPS wishes to alert everyone of this illegal solicitation scheme and urges the public to report such fraudulent activity to 8888 Citizens’ Complaint Center,” anang kalihim sa isang pahayag.
Ayon pa kay Nograles, ginagamit ng mga taong nasa likod ng scam ang letterhead ng OPS at ng DOLE.
Sinasabi rin umano sa ‘guidelines’ at ‘solicitation form’ na ang halagang P6,000 na sinisingil ay bahagi ng ‘recruitment and hiring procedure’ para sa hindi naman nabanggit na posisyon sa gobyerno.