Hanggang saan aabot ang pag-aayos mo ng buhok? Ikaw ba iyung simple at maayos na suklay lang ay kuntento na o talaga bang gumugugol ka ng ilang oras para maging mas presentable pa ang iyong “crowning glory”? Kung nasa pangalawa ka, tiyak na matutuwa ka sa hinahangaan ng marami ngayon na isang hairstylist mula sa Vietnam dahil sa mga naiiba at eye-catching flower braids na ginagawa nito.
Sa kanyang Facebook, Instagram, at TikTok accounts, pinahahanga ni Nguyen Phat Tri sa kasalukuyan ang maraming social media users sa simpleng pagpo-post niya ng photos at videos ng kanyang mga naiibang obra.

At masayang-masaya ito dahil noon pa man ay pangarap na niyang maibahagi ang kanyang kakayahan at ipakita sa mundo ang husay ng mga Vietnamese pagdating sa hairstyling.
“I want to inspire creativity in people who share my passion, and I hope to help Vietnam’s hair industry grow and reach the world,” saad niya.
Malayong-malayo sa unang kurso ni Nguyen ang pag-aayos ng buhok. Nagtapos siya ng pag-aaral sa An Giang University, kung saan siya nakakuha ng degree sa Biotechnology noong 2015. Ngunit dahil sa pangarap niya bilang isang hairstylist, nagdesisyon siyang tumungo sa Ho Chi Minh City para pag-aralan ang makeup at hairdressing.
Hindi naman siya binigo ng kanyang pangarap at naging maganda ang resulta ng kanyang mga flower braid.

Ang mga disenyo ni Nguyen at nakapag-generate ng libo-libong views sa social media. Ang pinakasimple niyang disenyo ay inaabot ng isa hanggang dalawang araw, habang ang iba naman na talagang mabusisi ay matiyagang ginagawa sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Sa kasalukuyan ay mayroon umanong high demand sa mga disenyong ginagawa ni Nguyen, kahit pa may kamahalan din ang ilan sa mga ito. Sa katunayan, ilan sa mga bridal design na ginagawa niya ay nagkakahalaga ng $130 hanggang $218, habang ang iba na mas mahirap gawin ay nasa $218 hanggang $305 naman.
