Ginawaran ang dating online seller at ngayon ay sikat na ring showbiz personality na si Daisy Lopez aka Madam Inutz ng award bilang ‘Outstanding Social Media Influencer’ para sa taong ito.

Ang parangal ay iginawad ng Gawad Amerika, isang non-profit organization na nakabase sa California, USA.
Ibinahagi rin ni Madam Inutz sa isang Facebook post ang kaniyang pasasalamat sa pagkakatanggap ng naturang award.
“Sa dami ng kaganapan sa buhay ko, hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na mangyayari pala talaga ‘to,” ani Madam Inutz. “Sa simpleng pagtitinda ng damit kahit papano magbigay ng good vibe sa ating mga kababayan p’wede ka palang parangalan.”
Kung matatandaan, si Madam Inutz ay sumikat matapos maging patok sa mga netizens ang kaniyang kakaiba at nakatutuwang istilo ng pagla-live selling sa Facebook.

Kinagiliwan ng kaniyang followers ang pagtawag niya ng ‘mga inutil’ at pagmumura sa mga nanonood sa kaniya online. Dito rin nanggaling ang kaniyang pangalan na Madam Inutz.
Kabilang sa kaniyang pinasalamatan ang mga OFWs na patuloy na sumusuporta sa kaniya at ang kaniyang manager na si Wilbert Tolentino.
“Nawa’y ‘wag kayong mapagod sumuporta sa ‘kin at lalo ko pang pagbubutihin ang magbigay ng kasiyahan sa inyo sa paraang alam ko,” anito.

“Salamat sa buong pusong tiwala mo sakin Sir (Wilbert), asahan mong mamahalin at pahahalagahan ko ang mga nabuo nating Samahan,” dagdag pa niya.
Kalalabas lamang ni Madam Inutz sa katatapos lamang n aPinoy Big Brother Kumunity Season 10 kung saan nakapasok ito sa Top 5.