Mayor Isko handang buksan ang Dolomite Beach bilang vaccination site

Bukas si Manila Mayor Isko Moreno sa posibilidad na gawing vaccination site ang Dolomite Beach sa Manila Bay.

Ani Yorme, magandang ideya ito at tiyak na magiging ligtas pa ang mga tao na siya namang dapat talagang maging prayoridad umano.

Imahe mula sa Facebook

“Kung feasible, bakit hindi? That’s a very good idea. Tapos na ba ‘yung construction nila, safe ba sa mga tao? ‘Yun naman ang concern natin palagi eh, ‘yung safety ng mga tao,” ani Mayor Isko sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules.

Ginawa ng alkalde ang pahayag habang binibisita ang Manila Zoological and Botanical Garden na isa sa mga pinakabagong vaccination site ng lungsod para sa menor de edad at senior citizens.

“Pansinin nyo, kapag pumipili tayo ng lugar, secluded halos lagi ‘yung mga lugar. Geographically feasible sa gagawing function doon sa particular na action plan, Pero okay ‘yun, bakunahan sa dolomite,” dagdag pa ni Yorme.

Ang kontrobersiyal na Dolomite Beach sa Maynila ay naging paksa ng usapan noong nakaraang taon dahil sa halos P389-M na ginastos ng gobyerno dito habang nasa kasagsagan ng pandemya.

Dinepensahan naman ito ng Malakanyang at sinabing makabubuti sa ‘mental health’ ng mga tao ang naturang proyekto habang nakikipaglaban sa banta ng COVID-19.

Samantala, muling nananawagan si Mayor Isko sa publiko na magpa-booster shot na hangga’t maaga.

Nagbukas umano sila ng karagdagang vaccination site sa Maynila na maaaring puntahan ng mga tao kaya walang dahilan para magreklamo pa ang mga ito sa kakulangan ng pasilidad.

Sa usapin naman ng ‘no ride, no vax’ policy ng pamahalaan, dapat raw ay hindi gawing excuse ng mga ‘di bakunadong trabahador ang hindi magpabakuna kahit pa exempted sila dito.

“As a citizen, meron ka ring responsibilidad sa iyong pamayanan, sa iyong bansa. Hindi lang gobyerno ang may responsibilidad sa tao,” paliwanag ni Yorme.

Post a Comment

Previous Post Next Post