Babalikan ni Vice President Leni Robredo ang dati niyang pinagkakaabalahan noong wala pa siya sa larangan ng politika kung sakaling hindi siya ang palaring magwagi bilang bagong presidente ng Pilipinas sa darating na eleksyon.
Maraming taon daw siyang naging isang development worker at alternative lawyer, samantalang siyam na taon pa lang siya sa larangan ng politika kaya hindi raw siya mahihirapang balikan ang dati niyang ginagawa.

“I was a development worker and alternative lawyer for many, many years. I have just been a politician for close to 9 years. So para sa akin, it will not be difficult for me to go back to the life I was leading before my husband died and before I entered politics,” simula ni VP Leni sa panayam sa kanya.
Gagawin pa rin daw niya ang mga dati niyang ginagawa bago pa man siya naging politiko.
“I will still be doing the things the things that I have been doing before I became a politician and that is working very, very closely with the margins. I will still continue with all my advocacies. Siguro nadagdagan lang ngayon, Mike. Before kasi ’yung advocacy ko is really empowering through legal education. Pero siguro ngayon, I will also be very heavily involved with education and governance. That is actually the main focus of the Jesse M. Robredo Foundation,” aniya.
Mula 1998 hanggang 2008, si VP Robredo ay bahagi ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal, isang non-governmental organization na nagbibigay ng legal services para sa mga magsasaka, manggagawa, kababaihan, urban poor at mga lokal na komunidad.

Kasunod ng pagpanaw ng asawang si Jesse Robredo noong 2012, kumandidato at nanalo si Leni bilang kongresista noong 2013 at noong 2016 ay nahalal na Bise Presidente ng Pilipinas.
Batay sa mga survey, patuloy na nangunguna si Bongbong Marcos sa mga presidential aspirants na napupusuan ng publiko na maging bagong lider ng bansa. Sa kabila nito, hindi umano nababahala si VP Leni.
Naniniwala siya na malaki ang posibilidad na kayanin niyang maipanalo ang laban sa pagka-pangulo.
“Malakas ’yung loob ko, Mike, kasi unang-una tinalo ko na siya in 2016. And in 2016, I also started with very low numbers. Mas mabuti-buti na nga ngayon. Kasi in 2016, I was number 6 of 6 candidates. I had to literally igapang ang sarili ko paakyat and I was able to do it. So ang sinasabi ko lang na ngayon nga na mas marami ’yung mga volunteers na very invested, lalong ‘yung possibility na kakayanin, nand’yan.”
