Tulad umano ng kaniyang ginawa sa Davao City, nais ni Mayor Sara Duterte-Carpio na itigil na ang mga ginagawa ng kabataan tuwing piyesta gaya ng mga liga, beauty pageant at dancing contest.
Sa halip umano, dapat ay turuan na lamang ang kabataan ng disaster preparedness o paghahanda para sa sakuna.

Sa ginanap na virtual caravan ng UniTeam nina Inday Sara at Bongbong Marcos noong isang araw, sinabi ng alkalde na ito ang kaniyang iniutos noon sa lider ng Sangguniang Kabataan sa Davao City
“Tigilan na natin yan dahil nasasayang ang pera ng gobyerno sa mga ganyan, sa mga trophy at kung ano-anung prizes na ibinibigay natin,” ani Mayor Sara.
“Sabi ko itutok natin ang ating mga Sangguniang Kabataan dito sa Davao City sa disaster preparedness,” dagdag pa ng pambatong bise president ng UniTeam.

Naging matagumpay naman umano ang programa nilang ito sa Davao kaya hindi ito mahirap dalhin sa national level, bukod pa sa may budget naman talaga ang gobyerno sa disaster preparedness training.
Kabilang din sa isusulong ng alkalde kapag nanalo sa darating na halalan ay ang mandatory military traning para sa lahat ng kabataang lalaki at babae.
BASAHIN: Inday Sara isusulong ang mandatory military training para sa lahat ng kabataang Pinoy
“Gagamitin ko ang aking opisina— Office of the Vice President — para kausapin ang ating (to talk to our) Congress and the Senate of the Philippines to make military service for all 18 years old, male and female, mandatory in our country,” lahad ng anak ng Pangulo.
Ito raw ang nakikita sa ibang bansa gaya ng South Korea at Israel.
Hindi rin umano ito gaya sa ROTC na isang subject lamang, o isang weekend o isang buwan sa isang taon.
Nilinaw naman ng alkalde na kapag pumasa ang kaniyang panukala sa Kongreso, kasama rito ang pagbibigay ng subsidy ang lahat ng mga sasailalim sa training na pamamahalaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).