Pinasaringan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kaniyang Vice Mayor dahil diumano sa ‘pamumulitika’ at ‘hindi pagganap’ sa kaniyang sinumpaang tungkulin bilang isang halal na opisyal ng lungsod.
Sa kaniyang talumpati sa ginanap na flag ceremony nitong Lunes, Enero 10, sinabi ni Mayor Vico na napipilitan siyang ilabas sa publiko ang kaniyang saloobin tungkol kay Vice Mayor Iyo Bernardo dahil hindi naman daw ito sumasagot sa kaniyang mga tawag at text.

Imahe mula sa Facebook| Mayor Vico Sotto
Nitong mga nagdaang araw, mababasa sa Facebook post ni Bernardo ang ilang pagpuna sa diumano’y ‘palpak’ na kalakaran sa lungsod. Kabilang na rito ang compilation video ng mga reklamo raw ng mga Pasiguenos laban sa kasalukuyang administrasyon.
“Sana bago tayo mag-usap tungkol sa pulitika, bago tayo mamulitika, magtrabaho muna tayo…tuloy-tuloy po sana tayo sa trabaho natin,” ayon sa 32-anyos na alkalde.

Screenshot mula sa Facebook| VM Iyo Bernardo
“Kung nakakausap ko lang po si Vice Iyo, kung sumasagot ba naman sana sa mga tawag at text ko, eh di sana, hindi ko kailangan sabihin in public. Pero wala naman po akong choice kasi hindi naman po sumasagot sa akin,” wika pa nito.
Iginiit din ni Mayor Vico na wala namang masama sa pagpuna sa gobyerno at tinatanggap naman niya ang mga ito.
“Hindi po masama ang magbigay-puna, hindi po masama ang magreklamo dahil bilang mamamayan, Karapatan po natin ‘yan,” anito.
Ikinumpara rin ng punong-lungsod ang kanyang panunungkulan sa nagdaang administrasyon kung saan takot umano ang mga tao na pumuna o magreklamo laban sa gobyerno.

Mayor Vico Sotto| Imahe mula sa Facebook
“Si Vice Mayor Iyo hindi naman nagsalita ‘yan ng ilang years. Six years na vice mayor hindi nagsalita ng hindi maganda ‘yan,” wika pa ng alkalde.
Muling iginiit ni Mayor Vico na walang masama kung mamuna, pero bilang mga halal ng bayan umano, kailangang magtrabaho muna.
“Anong karapatan nating mamuna kung ‘yung pormal na tungkulin natin ay hindi na nagagampanan,” patuloy ng alkalde.

Imahe mula sa Facebook| VM Bernardo
Batay sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi umano ni Mayor Vico na nabigong makadalo si Bernardo sa formal turnover ng 2022 budget ordinance ng lungsod at hindi rin sumali sa City Development Council kung saan nakaupo pa naman siya bilang panel member.
Mga 3 o 4 na beses raw siyang nag-text sa vice mayor para i-present ang 2022 budget bilang courtesy kay Bernardo subalit wala siyang natanggap na sagot mula rito.
Si Bernardo ang makakalaban ni Sotto sa darating na eleksiyon kung saan tumatakbo muli ang huli para sa kaniyang pangalawang termino bilang alkalde ng Pasig City.