“Paano kung bigla mo na lang makita ang picture mo sa llanera? Mapapa-Leche Flan ka pa rin ba?”
‘Yan ang tanong sa Facebook post ng KMJS (Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) nitong Sabado, Enero 8, 2022.

Sino ba naman ang hindi magugulantang kung bigla mong malalaman na ang iyong pagmumukha pala ay naka-‘imprenta’ na sa llanerang mas gusto mo sanang gawing sisidlan ng masarap na leche flan o ibang kakanin?
Ang nakakatawa pa ay marami sa mga llanera ang may mukha at pangalan ng mga nagsipagtapos sa pag-aaral, high school man o kolehiyo. May class pictures din. Anyare? Bakit nasa llanera na ang imahe ng marami?

Sa post ng KMJS ay umapaw ang mga komento na halos umabot na sa limang libo. Napakaraming naka-relate sa llanerang may ‘yearbook fotos at data.’ Marami rin ang nagbahagi ng sarili nilang llanera o baking pan na binili sa Shopee. Matatawa ka rin sa mga nagbahagi ng kanilang llanera story. ‘Yung may biglang magme-message sa iyo sa Facebook at babatiin ka dahil nakita ang iyong grad photo at pangalan sa llanera. LOL The new way to make new friends ba?
Hindi lang pala yearbook items ang mayroon. May resume din kaya’t ang tanong ng nagbahagi ng isang larawan ay “natanggap kaya ‘to sa mga inapplyan niya?”

Ayon sa ilang netizens na nagbigay-linaw kaugnay sa mga larawang nakita sa mga llanera, ang mga ginamit dito ay “plate po yan sa offset printing ng yearbook. Hindi na po siguro in-erase bago itapon ng printing press.”
Paliwanag ng isa pa, “Yan po ‘yung plantsa na tinatawag sa mga printing press po, pag ‘di na ginagamit, may mga bumibili po nun para gawing mga llanera at iba pang maninipis na baking pan.”
Bagama’t maraming natuwa at naaliw sa ‘llanera posts’, mayroon ding mga napukaw ang bitterness dahil sa nagpaalala ito sa marami ng yearbook na hindi pa rin nila nakukuha bagama’t bayad na bago pa man sila nakapagtapos sa pinanggalingang paaralan. Ayon sa isa, “kaya siguro hindi binigay yearbook namin, diyan napunta.”
“Check mo nga bhe Dale Esguerra, baka year book mo. Di na makuha kuha baka naging llanera na din. bayad na yun.”