Reopening ng Star City, naurong dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

Hindi muna matutuloy ang nakatakda sanang muling pagbubukas ng pinto ng Star City sa publiko sa January 14 dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa Star City

“Mukhang may mapo-postpone na reopening… Sorry na. Na-excite lang talaga kaming mag-announce, na-miss kasi talaga namin kayo,” pahayag ng Star City sa kanilang Facebook page.

Dahil muling dumarami ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ay nagdesisyon sila na huwag munang magbukas muli para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado at bisita.

“Siyempre mahal namin kayong mga guest at employee namin and ‘yong health and safety n’yong lahat ang priority ni Star City. Okay lang bang i-usod natin nang konti ang opening date? Pramis, ‘pag okay na ang lahat, magkikita-kita tayong muli. Sure na!” dagdag pa nila.

Imahe mula sa Star City

Pinaalalahanan din nila ang lahat na mag-ingat sa virus. “Maraming Salamat at mag-ingat kayong lahat, please.”

Marami ang na-excite nang i-announce ng amusement park na muli silang magbubukas sa January 14 matapos ang dalawang taong pagsasara.

Matatandaang malaking bahagi ng amusement park ang tinupok ng apoy noong Oktubre 2019; dahilan upang magsara ito.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na puminsala rin sa kalapit na Manila Broadcasting Company (MBC). 

Imahe mula sa Star City

Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) noong January 8, nakapagtala ng 26,458 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabuuan ay may 102,017 aktibong kaso ngayon sa Pilipinas.

Nasa ilalim naman ng Alert Level 3 ang Metro Manila at mga karatig probinsya ng Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna hanggang sa January 15.

“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat nating ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask, mag-physical distancing, at maghugas ng kamay,” paalala ng DOH.

Post a Comment

Previous Post Next Post