Sinampahan na ng reklamong paglabag sa mga probisyon ng Republic Act No. 11332 o ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act si “Poblacion Girl” Gwynette Chua.

Image from PNP CIDG-NCR
Dawit sa reklamong isinampa ng kapulisan ang walong iba pa, kabilang na ang kanyang mga magulang dahil sa ginawa niyang pagtakas sa Berjaya Makati Hotel kung saan siya naka-quarantine.
Ang reklamo ay isinampa ng mga ahente ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (PNP CIDG-NCR) sa Makati City Prosecutor’s Office noong Martes, ika 4 ng Enero.
Isinama sa reklamo ang mga magulang ni Poblacion Girl na sina Allan Chua at Gemma Leonardo-Chua matapos lumabas sa imbestigasyon na kasabwat sila sa ginawang paglabas ng anak mula sa hotel kung saan dapat siyang sumailalim sa limang araw na mandatory quarantine.
Dumating si Gwynette Chua sa hotel noong December 22, 2021 dakong 11:23 ng gabi, subalit inilabas siya roon ng ama dakong 11:40 ng gabi. Umalis sila ng hotel sakay ng isang sports utility vehicle.
Noong December 23, 2021, nakipagsosyalan siya sa mga kaibigan sa Mijo Confort Food at sa Kampai Bar na kapwa matatagpuan sa Barangay Poblacion sa Makati City.
Basahin: “Poblacion Girl” na nag-party at nagkalat ng virus dapat managot sa batas – Direk Joey Reyes

Image from Philnews
Base pa rin sa imbestigasyon, napag-alaman ng pulisya na sinamahan ng kanyang ina ang anak na bumalik sa hotel noong araw ng Pasko, December 25, 2021, dakong alas nuwebe ng gabi.
Sinabi ni CIDG director Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro na lumalabas na kinunsinti ng mga magulang ang ginawa niyang paglabag sa quarantine protocols.
Kinilala naman ni Col. Randy Glenn Silvio, ang namumuno sa CIDG-NCR field office, ang iba pang respondents kabilang sina Rico Atienza na nobyo ni Chua, at ang Berjaya Makati Hotel employees na sina resident manager Gladiolyn Biala, assistant resident manager Den Sabayo, security manager Tito Arboleda, security/doorman Esteban Gatbonton at front desk counter personnel Hannah Araneta.

Image from Trip Advisor
Basahin: Carlos Laurel na kasama ni Poblacion Girl sa bar, lumantad at nagbigay ng pahayag