Mister ibinahagi ang kakaibang paraan ng misis sa paglilinis ng mop

Kakaiba ang naging diskarte ng isang misis sa Pulilan, Bulacan sa paglilinis ng kanilang mop.

Ibinahagi ng netizen na si Joseph Table sa Facebook group na Home Buddies ang video ng kaniyang asawa habang naglalaba. Makikita ritong nakasalang sa washing machine ang dalawa nilang mop.

Kuwento ni Joseph sa Inquirer, akala niya ay may naghahampasan sa likod ng kanilang bahay nang marinig niya ang tunog habang nakasalang ang mga mop.

“Nagtaka ako, akala ko may naghahampasan sa likod ng bahay namin. Nung nakita ko ‘yong mop pala nasa loob ng washing machine. Nung tinanong ko ang misis ko, sumimangot lang siya,” sabi niya sa Inquirer.

Dagdag pa ni Joseph, humihirit daw ang asawa na sana ay bilhan na siya nito ng automatic washing machine.

“Nung isang araw kasi nabanggit niya na gusto niya ng automatic na washing machine. Di ako kumibo. At ngayon nga, hindi ko alam kung nagsisipag o gusto talagang sirain ‘yong washing machine para magpabili ng bago,” aniya. “Pero mahal ko ‘yan kahit minsan/madalas may topak.”

Ang ilang misis na netizen, nagbirong nakakuha sila ng ideya kung paano kumbinsihin ang asawa na bilhan sila ng automatic washing machine.

“Malapit ko na rin ‘tong gawin. Bilhan mo na ko ng automatic washing machine,” sabi ni Melrose S. na tinag pa ang asawa.

“Kagaling. Pa-konswelo raw po para sa inyong misis. Multitasker nga siya, naglalaba pa ng ilang pair of shoes. Basta kapag nasira, alam n’yo na ang gagawin. Hello to automatic,” komento naman ni Noli F.

Ang ilang mga misis naman, naintindihan ang request ng asawa ni Joseph dahil malaking tulong daw ang automatic washing machine sa mga mommy na maraming gawaing-bahay na inaasikaso.

“‘Yong request po niya na automatic washing machine is reasonable. Marami po siyang chores sa bahay. Time saved sa paglalaba ay puwedeng gamitin sa ibang gawain at most of all po, sa pahinga,” sabi ni Divine C.

Post a Comment

Previous Post Next Post