Nangako si Senador Manny Pacquiao na isusulong ang ‘one student, one gadget’ program sakaling palarin siyang manalo bilang pangulo sa darating na 2022 election.
Ito ay bilang handa umano sa posibleng pagpapalawig pa ng restriction sa pagsasagawa ng face-to-face classes dahil na rin sa nararanasang epekto ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa Facebook| Manny Pacquiao
Sa ganitong paraan umano ay mabibigyan ng ‘equal opportunities’ ang lahat ng mahihirap na mag-aaral na nahihirapang makipagsabayan sa pangangailangan ng ‘new normal’ ng kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa.
“We will provide every student their own device for their online classes. If possible, we will also look into providing free internet connectivity to marginalized communities to use for online learning,” ani Pacquiao sa isang pahayag nitong Biyernes, Enero 14.
Wika pa ng mambabatas, nauunawaan niya ang kalagayan ng mga mahihirap dahil nanggaling din siya sa pagiging mahirap.

Imahe mula sa Inquirer
“D’yan ako galing kaya gagawan ko talaga ng paraan para hindi nila maranasan ang aking mga pinagdaanan,” dagdag pa nito.
Maaari umanong pondohan ang kaniyang ‘one student, one gadget’ program kung maayos lamang ng pamahalaan ang tinatayang nasa P700-B hanggang P1-T na nasasayang lamang dahil sa kurapsyon.
Bukod dito, maaari rin daw kunin ang pera sa pamamagitan ng pagsasaayos ng bureaucracy sa bansa, at puwede rin itong magmula sa ‘intelligence at confidential funds’ ng gobyerno.

Imahe mula sa Senate
“Napakadami nating mga overpaid na mga bureaucrats pero kaunti lang naman ang ambag sa bayan. Sa halip na gastusin ang pera ng bayan para sa kanilang suweldo, mas maigi siguro na gamitin na lang natin para makatulong sa mga mahihirap nating mga mag-aaral,” wika pa ng presidential aspirant.
Para naman mas mapabuti pa ang internet service sa bansa, nangako rin ang tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ na isusulong niya ang public-private partnerships kasama ang mga telcos.