Isinalaysay ng taxi driver na sinakyan ni ‘Massage Girl’ na sa isang condo unit dumiretso ang kaniyang balikbayang pasahero sa halip na magpahatid sa quarantine facility.
Ang binansagang ‘massage girl’ ay halos kahalintulad ang ginawa sa tinagurian namang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Chua na dumalo sa isang party sa halip na sumailalim sa mandatory quarantine nang umuwi ito galing Amerika noong nakaraang buwan.

Imahe mula sa ThoughtCo
Ayon sa ulat ng GMA News, nagbigay umano ng sinumpaang salaysay ang taxi driver para patunayang sa isang condominium sa Taguig nagpahatid si ‘Massage Girl’ matapos itong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Disyembre 22.
Sinabihan pa umano siya ng babae na sunduin siya nito kinahapunan para magpahatid sa quarantine facility subalit makaraan ang ilang oras ay kinansela na umano nito ang booking sa quarantine facility.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na may ebidensiya silang nagpamasahe sa kaniyang condo ang naturang balikbayan at ipinagmalaki pa umano nito ang kaniyang ginawa sa mga larawang ibinahagi sa social media.

Imahe mula sa Facebook
Malinaw rin daw na wala talagang intensiyon magpa-quarantine ang babae dahil hindi ito sumakay sa designated transport na dapat sana ay maghahatid sa kanila sa hotel.
Bukod dito, sinabi rin umano ni ‘Massage Girl’ sa taxi driver na ‘exempted’ na siya sa quarantine dahil nakumpleto na niya ang requirements ng Bureau of Quarantine (BOQ).
“Malinaw po na hindi niya tinupad ‘yung pinirmahan niya sa airport na undertaking at orientation sa kaniya, hindi niya sinunod,” paliwanag ni BOQ Director Roberto Salvador.

Poblacion Girl| Imahe mula sa Philnews
Tiniyak ng NBI na sasampahan nila ng kaukulang reklamo si ‘Massage Girl’ sa mga susunod na araw.
Bago pa man ang kaso ni ‘Massage Girl’, naging laman na ng balita si Gwyneth Chua aka ‘Poblacion Girl’ na ipinagmalaki pa umano ang kaniyang ‘koneksiyon’ para hindi na sumailalim sa quarantine at dumiretso sa kanilang tirahan para makadalo sa isang party sa Poblacion sa Makati City.
BASAHIN: 18 na nakasalamuha ng close contacts ni ‘Poblacion Girl’ sa La Union nagpositibo sa COVID