Magpapakalat ng Department of Transportation (DOTr) ng ‘mystery passenger’ o sikretong pasahero na siyang magche-check ng mga vaccination card sa mga pampublikong sasakyan.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng ‘no vax, no ride’ policy ng gobyerno upang malimitahan umano ang kilos ng mga mamamayang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Ayon sa DOTr, simula Lunes, Enero 17, magpapakalat na sila ng mga traffic enforcers sa mga public utility vehicles (PUVs) upang tiyakin na ang lahat ng pasahero ay may dalang vaccination card.
Ang mga traffic enforcers na ito ay magkukunwaring ordinaryong pasahero na naka-sibilyan at sasakay sa mg dyip, bus at UV Express.
“Why do we need to deploy them? To make sure that even if an enforcer is not wearing a uniform, the drivers are following and implementing our policy,” paliwanag ni DOTr Asec. Mark Steven Pastor ayon sa ulat ng Inquirer.

Magbabayad din sa mga driver o konduktor ang naturang enforcers na tinawag ni Pastor na ‘mysterious passenger’.
“We want to make sure and see that the policy is strictly followed on a daily basis without [the drivers] knowing that there is really … a government enforcer inside the public utility vehicles,” dagdag pa ng opisyal.
Dinepensahan din ng DOTr ang ‘no vax, no ride’ policy dahil isa raw itong paraan upang hindi maparalisado ang transport sector gaya nang nangyari noong nakaraang taon sa kasagsagan ng pandemya.

Ito ay sa harap ng pagtutol ng ilang grupo at pulitiko dahil paglabag umano ito sa karapatan ng mga tao para malayang pagkilos.
“We are doing everything we can to maintain and keep our public transport operations safe and running. It will be a much heavy burden for commuters if we experience a repeat of public transport closures,” anang DOTr sa isang pahayag.
Iginit din ng ahensiya na ipatutupad nila ang nasabing patakaran nang mahigpit subalit may konsiderasyon sa lahat.