​​Pharmacist na nagbigay ng libreng gamot, nagpasalamat sa netizens

Inulan ng papuri ang isang pharmacist matapos niyang ibigay nang libre ang mga gamot ng isang customer.

Imahe mula sa Instagram | Arshie Larga

Maririnig sa TikTok ni Arshie Larga na kaniyang ibinahagi sa Twitter ang isang customer na ipinapakuwenta kung magkano ang babayaran kapag binili niya lahat ng gamot sa kaniyang reseta.

Nang sabihin ng pharmacist na P1,106 ang kabuuang halaga ay tinanong ng bumibili kung alin sa mga gamot ang pinakamahalaga.

Ipinaliwanag ni Arshie na lahat ng gamot ay importante at tinanong kung magkano ang budget ni Tatay. “Isang libo lang po. Mamamasahe pa kami,” tugon nito.

Sa huli ay napagkasunduan nilang bumili na lang muna ng ilang piraso ng ilang gamot. Ngunit lingid sa kaalaman ng customer ay ibinalot na ni Arshie ang lahat ng nasa reseta.

Imahe mula sa Instagram | Arshie Larga

Nang iaabot na niya ang mga gamot, tinanong siya ni Tatay kung nabigyan na siya ng discount. “Discount pa ba e libre na nga ‘yong gamot,” sabi niya.

Laking tuwa ng lalaki nang marinig ito. “Ay libre na ‘yan? Ay, thank you! Mahirap ang paghanapbuhay,” sabi nito.

Paliwanag naman ni Arshie, ang perang pinambayad niya sa libreng gamot ay mula sa kaniyang followers.

“For context lang po, let me explain. ‘Di ba po nung Pasko, nauso ‘yong pag-post ng GCash account sa social media accounts natin? Eh di pinost ko rin ‘yong akin, for fun lang. Hindi ko naman inexpect na may mga tao talagang magpapadala ng pera,” paliwanag niya.

Imahe mula sa Instagram | Arshie Larga

Nang makaipon sa GCash ay naisip niya raw ibahagi ito sa mga customer na kulang ang pambili ng gamot.

“Around P2,000 to P3,000 yung natanggap kong ‘Pamasko,’ so naisip ko, bakit ‘di ko i-share sa mga taong kulang ng pambili ng gamot ‘yong Pamasko galing sa inyo. Kaya nagagawa ko po ‘yong ganong mga bagay, dahil sa inyo,” sabi niya rin.

Sa kaniyang update noong Jan. 14 ay sinabi niyang umabot na sa P99,953.92 ang nalilikom na pera na balak niyang gamitin upang bumili ng gamot sa lagnat, sipon, at ubo para sa mga kababayan sa Marinduque.

Post a Comment

Previous Post Next Post