Para sa isang 47-anyos na lalaki sa Sagay, Camiguin Island, hindi hadlang ang kanyang karamdaman para naisin pa rin niyang mabuhay sa kabila ng mabigat na pinagdaanan.
Pagod at nahihirapan ka na bang magtrabaho?
Sa isang episode ng KMJS o Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) nitong Linggo, Enero 16, ay ibinagi ang kuwento ng isang lalaking paralisado na si Jerome Nacaitona.
Tatlong dekada na siyang paralisado mula baywang pababa kaya’t hindi na siya nakalalakad. Ngunit nakabibilib siya pagkat sa kabila ng kanyang kalagayan ay nagagawa pa rin niyang maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagkokopra at pagkakaroon ng munting tindahan. Napakapositibo pa rin ng kanyang pananaw sa buhay.
Maglalabinwalong taong gulang lamang siya nang masangkot sa isang aksidente na nagdulot sa kanya ng pinsala sa spinal. Nang maging pabigat na siya sa kanyang pamilya ay naisipan niyang mamuhay nang mag-isa at tuluyan na siyang bumukod.
Sa kanyang munting kubo siya nagtatrabaho at nagtitinda. Makikita ang nakaratay niyang katawan habang nagbabalat ng niyog at pinipilit igalaw ang paralisadong katawan.
Sa maliit na kawayang katre na ito umiikot ang buhay ni Jerome. Sa nakalipas na tatlong dekada, ito na rin ang nagsisilbi niyang opisina sa pagkokopra at may tindahan pa siyang maliit.

“Nakatagilid ako diyan ako magbubunot at magbibiyak, sa wheelchair noong umpisa, masakit ang likod ko ‘pag nakaupo. Mas madali sa akin nakahiga lang,” nakangiting kuwento niya.
Mayroon siyang gamit na patpat na kawayan na idinisenyo upang maabot ang niyog at ibang paninda sa ilalim ng kanyang higaan.
Ang pangkokopra ang isa niyang pinagkakakitaan. May nagbebenta sa kanya ng niyog upang gawin niyang kopra. Bukod sa pagkokopra, mayroon din siyang mini sari-sari store sa kanyang kubo.

Mabuti na lamang at may katu-katulong siya sa pagluluto ng kopra; ang kanyang pamangkin sa pinsan. “Ako po ‘yung nag-aasist sa kanya hindi naman po siya alagain” sabi ni Jovy.
Ang kanya namang pinatuyong niyog ay isinasako at ibinebenta ng kanyang kapitbahay na si Mayet sa halagang 41 pesos kada kilo.
Sinabi ni Jerome na ginagamit niya ang mga kinita upang bayaran ang kanyang mga utang. “Pambayad sa loan. PHP5,700 isang buwan. Matatapos na sunod na Martes. Loan na naman uli. Kasi walang laman,” aniya.
Para makaligo naman ay binubuhat siya ng kanyang kapitbahay na si Magellan at ipinapasok muli kapag natapos na siyang maligo. Ang nagpapaginhawa na lamang sa kanya ay ang gula-gulanit at manipis na kutson. Ngunit walang reklamo sa buhay si Jerome. Napakapositibo pa rin niyang mag-isip at nagagawa pa rin niyang ngumiti. Ang tinatarget niya sa pag-iipon ay ang pangarap niyang matapos ang pagpapagawa sa munti niyang kubo.

Hindi na siya muling nakapagpatingin sa isang espesyalista mula noong siya ay naaksidente, kaya para matulungan si Jerome, dinala siya ng KMJS team sa Cagayan de Oro City. Pagkatapos ng pagsusuri, sinabi ni Dr. Wency Daya, isang neuro-spine specialist, na si Jerome ay nagkaroon ng kumpletong pinsala sa spinal cord at napuruhan noong naaksidente siya.
Pagbuhos ng tulong
Nang makarating sa kaalaman ng publiko ang kalagayan ni Jerome, mayroon mga nagparating ng tulong sa kanya.
Ang organisasyong ‘Metro Cagayan Eagles’ Club’ ang nagbigay sa kanya ng bagong wheelchair at folding bed.
Ipinarehistro din ng Department of Social Welfare and Development si Jerome sa ilalim ng listahan ng mga persons with disability (PWD), pinadalhan siya ng mga grocery item, at nangakong susubaybayan ang kanyang kapakanan.
Ang programang KMJS ay nag-abot naman ng financial assistance at nagbigay ng bagong kama at unan upang maging maginhawa siya sa kanyang paghiga.
“’Yang nawalan ka ng pag-asa ’wag n’yo na ’yang isipin. Ang importante diyan buhay pa tayo . Kaya natin ’to. Tayo mismo ang makapagbibigay ng pag-asa sa ating mga sarili,” ani Jerome.

Bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan nang makatanggap ng biyaya mula sa KMJS at iba pang grupo na may mabubuting puso. Hindi na niya napigilang maiyak. Makakakain na raw siya nang tatlong beses sa isang araw, hindi lang isa.
May pagkakataong babaldahin tayo ng mga problema. At sa puntong pakiramdaman natin ay wala na tayong silbi, mas lalo natin dapat itinataas at tinutulungan ang sarili. Laban!
Panoorin ang buong kuwento sa KMJS;