Simula sa kanilang teenage romance noong panahon pa ng 1990s series na Mara Clara hanggang sa matatag nilang pagsasama bilang mag-asawa, hinahangaan ng marami ang pagmamahalan ng celebrity couple na sina Gladys Reyes at Christopher Roxas. At ngayong ipinagdiriwang nila ang ika-29 na anibersaryo bilang magkasintahan, muling nagdala ng insipirasyon ang dalawa sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa pag-ibig na nagtatagal.

Sa Instagram, sinabi ni Gladys na posible talagang makatagpo ng pagmamahalan na pangmatagalan, katulad ng sa kanila ni Christopher na hindi na mapaghiwalay simula pa lamang noong naging magkasintahan sila sa panahon ng pamamayagpag ng Mara Clara na umere simula 1992 hanggang 1997.
“From the first pic, 29 years ago, to the last photo. Almost three decades!” aniya. “Yes, it’s possible!”
Wika ng aktres, hindi naman magiging madali at perpekto ang lahat kapag natagpuan mo na ang iyong one true love, ngunit lahat ay inyong makakaya at malalampasan hanggang may pananalig kayo sa isa’t isa.
“It wasn’t easy,” wika niya. “But our faith made us stronger, holding on to what we have that is beautiful and rare.”

Image via @iamgladysreyes | Instagram
Matatandaang nagkaroon pa ng renewal of vows sina Gladys at Christopher bilang selebrasyon ng 25 taon ng kanilang pagsasama; na binubuo ng 11 taon bilang magkasintahan at 14 bilang mag-asawa. Dito, dumalo ang kanilang mga pinakamalalapit na kaibigan, kabilang na ang kanilang Mara Clara co-star at best friend ni Gladys na si Judy Ann Santos.
“It’s a mutual decision,” saad ni Gladys patungkol sa kanilang renewal of vows. “Kasi ‘yong mga anak namin [nagtatanong], ‘What was it like when you got married?’ Curious silang tatlo. So sabi namin, bakit hindi natin gawing malaking selebrasyon kasama ang mga mahal sa buhay na katrabaho at kapamilya?”

Samantala, nauna na niyang ibinahagi ang sikreto ng kanilang long and lasting relationship.
“Kahit gaano kayo katagal mag-boyfriend, o kahit gaano kayo katagal mag-asawa, eh hinding-hindi dapat nawawala ‘yung intimacy niyo. Kung walang time, hanapan dapat talaga ng time,” ani Gladys.