UniTeam ng BBM-Sara tandem, inilabas na ang kanilang senatorial lineup

Inilabas na ng Bongbong Marcos-Sara Duterte tandem ang kanilang senatorial line up na binubuo ng anim na personalidad.

Ito ay binubuo ng isang incumbent senator, dating senador, dalawang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at dalawang dating opisyal ng gobyerno.

Sa ginanap na online Manila Virtual Caravan, ibinahagi ng UniTeam nina Marcos at Duterte na kabilang sa kanilang senatorial slate sina dating Senador Jinggoy Estrada, Senador Sherwin Gatchalian, dating Defense Secretary Gibo Teodoro, dating Malacanang spokesperson Harry Roque, dating Public Works Secretary Mark Villar at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Si Gatchalian, na tumatakbo para sa pangalawang termino, ay kabilang din sa lineup ni Senador Manny Pacquiao, habang si Bautista naman ay nakasama sa slate nina Senador Ping Lacson.

Si Estrada ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ay umaasang makababalik sa Senado matapos mabigo noong nakaraang eleksyon. Si Teodoro ng People’s Reform Party (PRP) naman ay dating kumandidato sa pagkapangulo noong 2016 subalit hindi pinalad na manalo.

Sina Roque (PRP) at Villar ng Nationalista Party (NP) ay dating mga miyembro ng Gabinete ng kasalukuyang administrasyon at parehong nagbitiw na sa puwesto para subukang tumakbo.

Samantala, kapansin-pansin namang hindi nakasama sa lineup sina House Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Atty. Larry Gadon ng KBL, na kapwa naispatan sa ilang caravan nina BBM at Inday Sara.

Sina Marcoleta at Gadon ay kapwa kaalyado ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte.

 

Samantala, naglabas na rin kanilang senatorial slate ang 1Sambayan na sinusuportahan ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo.

Nakabilang sa listahan sina dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Sen. Leila de Lima, Free Legal Assistance Group (FLAG) chairperson Chel Diokno, Sen. Risa Hontiveros, Atty. Alex Lacson, Federation of Free Workers president Sonny Matula at dating Senador Antonio Trillanes III.

Post a Comment

Previous Post Next Post