Kahanga-hanga ang iginuhit ng isang lalaki na tila totoo at buhay na buhay ang artwork na ibinida sa social media.
Sa kanyang Facebook account ay ibinahagi ng artist na si James B. Ison na taga-Alaminos City, Pangasinan ang mga kakaiba niyang obra.
Ang artwork ay tinawag na 3D illusion art, kung saan ay makikita ang mga hayop na kanyang iginuhit sa mga patag na lugar at minamanipula ang hugis at kulay para magmukhang totoo ang eksena.
Kamakailan ay nabigyang-pansin din siya sa Bayan mo, Ipatrol Mo Facebook page..
Ang bawat artwork na kanyang ginagawa ay karaniwang inaabot ng mahigit 3-4 oras gamit ang chalk at charcoal.
Grabe, nakatutuwa talaga ang mga larawan na kanyang iginuhit. Ibang klase!
Ipininta rin niya ang nag-iisa at kilala bilang ang huling mambabatok; “Whang-od 18×24 Portrait painting on canvas 2022 Salamat sa Dios! To God be the Glory #Semi-realism technique.”

Noong nakaraang taon ay sold out ang kanyang mga ibinebentang paintings.
Sinabi ng Alaminos artist na patuloy nating ibahagi ang ating kaalaman at maging inspirasyon sa iba, “Magpatuloy tayo sa paggawa at inspire din natin ang ating mga kapwa artist. Maging mapagpakumbaba at laging isipin na ang kakayahan kapag ginamit sa mabuti ay magbubunga din ng mabuti.”
Noong Pebrero 19 ay may sinimulan sila na isang Virtual Drawing and Painting Workshop na pinamagatang “Alaminos City Batak Tan Katuro: Learning Different Art Styles and Techniques” na idadaos tuwing ikatlong Sabado ng bawat buwan ngayong taon.

Ang workshop ay isang aktibidad na makapagbibigay ng karagdagang kaalaman sa mga nagnanais matuto at maipakita ang kahalagahan ng pagpipinta, sining at kultura sa ating mga kabataan, madagdagan pa ang bilang ng visual artists sa lungsod at mahasa ang kanilang kakayanan at talento sa pagpipinta.
Kung isa ka ring mahilig sa pagpipinta at pagdrawing at nais mong mahasa pa ang iyong kaalaman sa sining na ito ay magregister lamang at sumali sa FB page ng ‘Alaminos City BATAK TAN KATURO’.
“Together, let us beat the boredom caused by this pandemic and discover and hone new artists.”
