Alden Richards hinirang bilang Hermano Mayor sa fiesta ng Sta. Rosa

Hinirang bilang Hermano Mayor ang sikat na Kapuso aktor na si Alden Richards sa nakaraang fiesta ng Sta. Rosa, Laguna.

Si Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas mismo ang naggawad ng responsibilidad kay Alden sa pagdiriwang ng Sikhayan Festival 2022 noong nakaraang linggo.

Ang alkalde ng lungsod ang kasalukuyang Hermana Mayor katuwang ang kaniyang kapatid na si  Vice Mayor Arnold Arcillas kaya sa susunod na taon ay si Alden na ang aako nito.

Kasama rin ng Kapuso hunk ang kaniyang manager na si Carlites de Guzman nang ganapin ang selebrasyon.

Sa panayam ng PEP.ph, sinabi ni Carlites na hindi talaga nakakalimot si Alden tuwing fiesta ng Sta. Rosa kaya lagi itong dumadalo bukod pa sa malapit siya sa pamilya ni Mayor Arcillas.

“Every fiesta or festival pumupunta siya kahit walang talent fee. Siyempre, full support po talaga siya sa Arcillas family, kasi second family na niya yun,” kuwento ng manager ni Alden.

Naniniwala rin umano ang aktor na suwerte ang maging hermana o hermano mayor kapag fiesta at napakarelihiyoso rin talaga nito.

“Kaya po nung inalok kami or si Alden ng parish priest, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang pagiging Hermano. Kasi alam niyo naman ‘yan, Tito, sobrang religious,” wika pa ni Carlites.

Itinanggi naman ng manager na hudyat na ito ng posibleng pagpasok ng Asia’s Multi Media Star sa pulitika.

“As of now, wala pa naman pong napapag-usapan. Gusto lang muna niyang tumulong at magpasaya sa mga Rosenian po,” anito.

Basta abangan na lang umano ang Sikhayan Festival 2023 sa susunod na taon dahil tiyak na pabobonggahin ito ni Alden Richards.

Post a Comment

Previous Post Next Post