Noon pa man kahit wala pang pandemya ay may mga taong hirap nang makapasok sa paaralan upang makapag-aral. Naroroon ‘yung kakapusan sa budget, kailangan magtrabaho at unahin muna ang pamilya at maghanap ng makakain, lalo na ‘yung mga taong malayo at sa liblib na lugar nakatira.
Minsan akala mo’y wala nang pag-asa pero posible palang may magbibigay ng liwanag, hindi lang sa iyo kundi sa buong pamilya mo pa.
Katulad na lamang ng isang buong pamilya na tinulungan at kinumbinsi ng isang guro na mag-aral muli; isang pamilya na nakatira sa isang may kalayuang lugar sa Barangay Lilibdon, Jovellar, Albay, ayon sa ulat ng ABS CBN News.

Aba, mula lolo hanggang apo ang mga estudyante ng ALS o Alternative Learning System! Si Lolo Bernardo Mujar, 72-anyos, ay nakatapos umano ng Grade 6 noon ngunit hindi man lamang marunong magbasa’t magsulat.
Dahil sa tulong ng DepEd ALS at ng guro na si Ana Marie Herrera Jacob ay unti-unti na ring natuto ang matanda na isulat ang kaniyang pangalan.
Nakakatuwa naman na sa gitna ng pandemya ay may mga tao pa rin na handang tumulong sa taong nangangailangan ng karunungan.

Ang asawa naman ni lolo Bernardo na si Yolanda Mujar ay nasa ikalawang-baitang pa lamang noon nang napahinto sa pag-aaral, at ngayon ay nasa junior high school na.
Kahit ang pangalawang asawa ni lolo na si Analyn na grade-2 lang din ang natapos ay naka-enroll din at maging ang mga anak nito, at mga ilan pang apo na tinuturuan ni teacher Anna Marie.
Sa kabuuan, 19 ang estudyante ng guro at ilan ay nasa senior high school na. Ayon kay teacher Anna Marie, hindi siya nahihirapan lalo’t pursigidong matuto ang kaniyang mga tinuturuan.

“Makita ko lang silang nakapagsulat, nakapagbasa na sila ay happy ako kasi gusto ko matutunan nila ‘yong basic,” wika ng guro.
Maraming netizens ang natuwa at nagbigay ng papuri sa teacher.
“Sana lahat ng teachers tulad mo, ma’am, may pagmamahal at malasakit sa kapwa. God bLess po sa inyong lahat!”
“Keep going best Ana Marie Herrera Jacob so proud of you!”
Nagbahagi si Ma’am Anne ng isang video:
Maging ang apo ni lolo na slightly deaf and mute ay binigyang-pag-asa ni Ma’am!