Kung may mga nababalitaan o napapanood tayo na nagpapanggap na nagdadalantao, madalas ay pag-ibig ang rason nito. Magkukunwaring buntis para hindi iwanan ng taong minamahal, at bahala na ang susunod. Pero iba ang dahilan ng isang babae mula sa Georgia na dalawang ulit itong ginawang paraan para lamang maging eligible sa paid maternity leave. Hala!

Ayon sa ulat ng 11Alive, nalaman ng mga kaopisina ng isang 43-anyos na supervisor ang ginagawa nitong pagpapanggap matapos may isa sa kanilang nakakita na natanggal umano ang inilalagay niya sa loob ng damit para magmukhang malaki ang tiyan. Agad nitong inihayag sa mga kinauukulan ang kanyang nakita at doon nagsimula ang imbestigasyon sa nasabing opisyal.
Oktubre noong 2020 umano nang sabihin ni Robin Folsom, Director of External Affairs sa Georgia Vocational Rehabilitation Agency, na nagdadalantao siya at nais niyang gamitin ang kanyang maternity leave para makapagpahinga at maalagaan ang sarili.
Ayon sa mga tala, may yearly salary na umaabot sa $100,000 ang babaeng ito at nasa $15,000 ang kanyang paid leave.

Kumpleto raw ang acting ni Folsom na mayroon pang props kung minsan. May mga pagkakataong napapansin siya ng kanyang mga kaopisina na parang magkakaibang bata ang ipinakikita sa larawan at mahahalata raw agad ito sa “varying skin tones” pa lamang ng mga sanggol sa litrato. May nagsabi rin na gawa-gawa lang maging ang ama ng kanyang anak.
Nang lumaon, nalaman din na walang anumang record ng panganganak si Forson at makikita sa kanyang medical insurance records na walang kahit anong charge para sa prenatal exams o delivery, gayong nagsabi siya na nanganak siya noong July 2020 at nagbuntis muli noong August 2021.
Bagama’t umalis na ito sa kanyang pinapasukan noon pang Oktubre 2021 ay hindi pa rin daw makakawala sa kanyang mga pananagutan si Folsom at tuloy-tuloy pa rin ang mga prosesong kailangan at nararapat isagawa kaugnay sa insidenteng kanyang kinasangkutan noon.
