Dahil hirap ang mga apo sa modules, 79-anyos na lola nagpaturo na sa Math teacher

Tunay ngang walang sukatan ang pagmamahal ng mga lolo at lola sa kanilang mga apo.

Gaya na lamang ng isang 79-anyos na lola sa Aklan na siya na mismo ang lumapit sa isang guro para magpaturo sa Math upang magabayan ang kaniyang mga apo sa kanilang modules.

Sa larawang ibinahagi ni Rodney Nicodemus, isang math teacher sa Bulwang Elementary School sa bayan ng Numancia, makikita ang isang lola na nag-face-to-face class mismo sa loob ng paaralan.

Nakilala ang lola na si Merlita Militar na nais umanong matuto rin upang maturuan ang kaniyang mga apo na nahihirapan sa modules.

“She approached me na kung puwedeng turuan ko raw siyang muli. This is the second time around na magpapaturo siya sa akin in mathematics,” kuwento ni Teacher Rodney.

Inamin ni Lola Merlita na nahihirapan siyang turuan ang kaniyang mga apo lalo na sa Math dahil siya mismo ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Siya ang naiwang mag-alaga sa kaniyang mga apo dahil ang mga magulang nito ay nagtatrabaho umano sa Cebu.

Pagbabahagi pa ng guro, kita at ramdam niyang desidido rin talagang matuto ang matanda para sa kaniyang mga apo.

“So ang topic na kanyang ipatuturo sa akin is subtraction of mixed numbers na kung saan hindi raw alam ng kanyang apo at hindi rin niya alam,” wika pa ni Teacher Rodney.

Pinuri naman ng mga netizens kapwa sina Lola Merlita at Teacher Rodney.

“Wow really concern si lola sa apo niya. Si teacher naman is very willing. Salute to you sir,” ayon sa isang commenter.

“Thanks sa effort sir and salute to Lola, unconditional love for her apo kaya kahit mahirap, kahit delikado sinusuong ni Lola,” wika naman ng isa pa.

“Kudos to lola and to the teacher. Love to her grandchildren and his dedication to his advocacy,” dagdag rin ng isa pang nagkomento.

Saludo kami pareho sainyo Lola Merlita at Teacher Rodney!

Post a Comment

Previous Post Next Post