Mukhang hirap pang makahanap ng project si Marlou Arizala aka Xander Ford dahil lumapit na mismo ito kay Xian Gaza upang humingi ng tulong.
Ibinahagi pa ni Xian ang screenshot ng DM ni Xander sa kaniya na nag-viral na naman sa social media.
Sa nasabing screenshot, makikitang kinumusta ng dating ‘Hasht5’ member ang kontrobersiyal na negosyante at social media personality.

Ani Xander, “Boss, buhay pa po ako, baka may patrabaho po kayo diyan. Miss you Boss Xian.”
Biniro naman ito ni Xian at sinabing ipadadala siya sa Ukraine.

“I miss you too. Kamusta na? Long time. Dalhin kita sa Ukraine,” sagot ni Xian na halatang nagbibiro lamang.
Subalit mistulang hindi ito nasakyan ng dancer-vlogger. Aniya, “Sige lang boss, makapag-work lang, pantustos sa pamilya ko.”
Kaagad namang bumawi si Xian at inusisa nito kung ano ang ginagawa ngayon ni Xander.

“Joke lang yung Ukraine, may gyera ngayon doon. Anyway? Ano na ba pinagkakaabalahan mo ngayon sa buhay?” tugon nito.
Hindi naman nabanggit pa kung sumagot muli si Xander sa kanilang usapan dahil dito na ito naputol.
Samantala, sa isa pang post ni Xian, nangako itong tutulungan ang kaniyang itinuturing na kaibigan.

“Tutulungan ko yan. Love ko yan ever since,” pangako ng negosyante.
Matagal-tagal na ring hindi nababalita ang tungkol sa career ni Xander Ford matapos itong masangkot sa isang kaso at makulong noong 2020.