Sugatan ang aktor na si Deither Ocampo matapos bumangga ang kaniyang sports utility vehicle (SUV) sa isang nakaparadang truck sa Makati City.
Naganap ang aksidente dakong 12:40 nang madaling araw nitong Biyernes sa may bandang Osmena Highway sa Brgy. Pio Del Pilar.

Sakay umano ng kaniyang Ford Explorer ang Kapamilya actor nang bumangga ito sa nakaparadang truck ng basura habang binabaybay ang service road bago dumating ng Arnaiz Avenue.
Nagulat pa raw ang driver ng truck nang mabangga ito ng SUV ni Diether, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Sa lakas ng impact ay nayupi ang unahang bahagi ng sasakyan ng 47-anyos na aktor. Kaagad namang rumesponde sa lugar ang ambulansiya ng Philippine Red Cross (PRC).

Agad naman umanong isinugod sa Makati Medical Center si Diet kung saan ito kasalukuyang nagpapagamot.
Samantala, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang pamilya ni Diether tungkol sa kaniyang kalagayan.
Si Diether ay nakilala bilang isa sa mga talents ng ABS-CBN at lumabas sa ilang popular na teleserye ng Kapamilya network.
Pinagkaguluhan din ng mga tagahanga ang tambalan nila noon ni Kristine Hermosa na kinalaunan ay naging misis niya sa tunay na buhay. Subalit naghiwalay din ang mag-asawa matapos ang ilang taong pagsasama.

Isa rin si Diet sa miyembro noon ng ‘Hunks’ na binuo ng ABS-CBN kasama sina Piolo Pascual, Carlos Agassi, Jericho Rosales at Bernard Palanca.
Sa ngayon, abala si Diet sa kaniyang mga charitable works at nagsisilbi rin sa Philippine Coast Guard Auxilliary bilang Liutenant Commander.