Naglabas ng statement ang doctor-turned-politician na si Willie Ong kaugnay sa kontrobersyal na ‘mix and match’ ng presidente at bise presidente.
Sa Facebook page ni Doc Willie Ong, isang video ang in-upload kung saan ay ipinahayag ng vice presidential aspirant na nasaktan siya noong pinartner sa ibang vice presidential bet ang kanyang running mate na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong Pebrero 21.

Sinabi ni Doc sa kanyang panayam noong nakaraang buwan sa isang mamamahayag na ngayon pa lamang umano inilabas, “Sa akin kasi mahaba ang pagtitiis ko eh. Wala akong pera. Wala akong pangalan. Pero I just follow the Bible. Magaling ako magtiis eh.”
“So nung ginawa nila yun, syempre na-hurt ako. Masakit yun eh. Pero hindi ko na iniisip eh, bahala na yung tao. Wala naman akong kasalanan. I’ll just do it straight,” dagdag pa niya.
Ganun pa man ay buong pusong nagpapasalamat si Doc Willie kay Maynila Mayor Isko na kinuha siyang ka-tandem nito.
“Salamat kay Mayor Isko pinili niya ako, nakatakbo tayo bilang vice president pero ngayon na sa akin na yung bola eh. So tuluy-tuloy tayo hanggang May 9, walang atrasan ‘to,” pahayag ni Willie.
Sa kanyang pahayag sinabi niya na dapat siyang manalo sapagkat kailangan niyang maibigay ‘yung tulong sa mga mahihirap lalo na sa gamutan at sa pagkain.
Hindi rin daw niya kailangang magtapang-tapangan; bagkus 27-years na rin siyang tumutulong nang libre.
Sinabi rin ni vice presidential aspirant na wala siya umanong galit sa kanyang puso.

“Wala akong galit sa puso ko kasi hindi siya makakatulong eh,” ani Doc.
“Sa politika, away-away eh. ‘Pag pinasok mo yung galit sa puso mo, doon na masisira yung kamada. Maiiba na yung focus mo. Ang focus natin yung mahihirap, yung nagugutom, at walang kamalay-malay sa issue,” dagdag pa niya.
Nanawagan rin siya sa publiko at humihingi ng tulong sa kanyang mga tagahanga na suportahan siya sa darating na elekyon.
Matatandaan nitong Linggo, Pebrero 20, nagtungo si Domagoso sa Maguindanao.
Ang grupo ni Isko ay sumama sa motorcade at dumalo sa isang kaganapan na inorganisa ng mga mga Mangudadatu na pinangungunahan ni Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu.
Isinusulong ng mga Mangudadatu ang Isko-Sara tandem dahil naniniwala umano silang ipagpapatuloy nito ang naumpisahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
EXCLUSIVE: Aksyon Demokratiko VP bet @DocWillieOng says he is “hurt” when some groups pair presidential candidate @IskoMoreno with other VP bets, but notes he has no resentment vs anyone.
“I understand where it comes from pero tiis lang ako. Wala akong complaint, go lang ako.” pic.twitter.com/gr8oK6q0t9
— Kat Domingo (@_katrinadomingo) February 20, 2022
