Binasag ang salamin ng bintana at pinagnakawan ang sasakyan ng Kapamilya aktor na si Gerald Anderson.
Nangyari ang nasabing pagnanakaw sa may Roces Avenue sa Quezon City kung saan naka-park ang SUV ng binata habang siya ay abala sa kaniyang gym.

Nakunan pa ng CCTV sa lugar ang insidente na naganap noong Enero 31 bagama’t nito lamang isang araw naiulat sa mga balita.
Sa naturang CCTV, makikita ang isang lalaki na mistulang nagmamatyag sa mga nakaparadang sasakyan sa ibaba ng isang gusali.
Nang makatiyempo, lumapit ito sa isang itim na SUV saka binasag ang bintana at may kinuha sa loob. May pumarada namang isa pang lalaki na kasamahan pala ng magnanakaw at nagsilbing lookout.

Matapos maiabot ang mga nakuhang gamit, bumalik pang muli ang lalaki sa loob ng sasakyan bago tuluyang umalis ang dalawang kawatan bitbit ang mga nakulimbat.
Tinatayang nasa mahigit P1-M ang halaga ng mga gamit na nanakaw sa aktor kabilang na ang kaniyang laptop, wallet at credit card.
Kuwento ni Gerald, kakauwi lamang niya ng Maynila noong araw na iyon at kitang-kita sa harap ng establisimyento ang pagnanakaw dahil harap mismo ito ng gusali.

“Ang sama ng pakiramdam na ‘yun kasi parang ‘yung information mo, ‘yung credit card mo, ‘yung atm card mo, just like that nawala. It’s the worst, ang sama ng feeling na yun,” anang aktor sa panayam ng ABS-CBN News.
Kusa namang sumuko ang dalawang suspek makaraan ang ilang araw matapos itong matunton ng National Bureau of Investigation (NBI).

Na-track umano ng NBI ang mga kawatan sa tulong ng isang accomplice nito na pinakialaman ang crypto wallet ni Gerald Anderson gamit ang laptop ng aktor.
Ayon sa mga suspek, hindi nila sinasadyang targetin ang sasakyan ni Gerald at nalaman lamang nila ito nang buksan ang kaniyang wallet.
Panoorin ang buong ulat: