Guanzon muling pinatutsadahan si Robin; tinawag na ‘ignorante’ ang aktor

Muling nagpatutsada si retired Comelec commissioner Rowena Guanzon kay Robin Padilla matapos sabihin ng huli na hindi niya hinihingi ang boto nito sa darating na eleksiyon.

Sa Twitter post ni Guanzon nitong Linggo, Enero 6, tinawag niyang ‘ignorante’ si Binoe pagdating umano sa mga usaping pang-ekonomiya.

“Some actor is hitting me for saying I won’t vote for him. I won’t vote for him because he is IGNORANT of economic issues. IGNORANT,” tweet ng dating Comelec official.

Bago pa man ito, sinabi rin ni Guanzon na hindi niya iboboto si Robin dahil ‘kawawa’ lang daw ang Pilipinas.

BASAHIN: “Maawa kayo sa Pilipinas”: Guanzon may patutsada kay Robin; Binoe sumagot

Sinagot naman kaagad ito ng aktor sa isang Facebook post.

“Nakakatuwa naman ang retired Comelec official na ito na lumabag sa mismong mga patakaran ng korte at nag-eskandalo sa labas ng Comelec at siniraan ang kanyang pinagsilbihan ng ilang taon,” ani Binoe.

Inakusahan niya rin si Guanzon ng ‘grandstanding’ at hinamon pang basahin ng huli ang ‘ebidensiyang’ hawak niya na magpapatunay na si Bonifacio ay biktima nga ng EJK.

Nag-ugat kasi ang naunang tweet ni Guanzon sa naging pananaw ni Robin tungkol sa EJK. Sinabi nito sa isang panayam na kasama na raw ang EJK sa pagsugpo ng mga masasamang elemento sa lipunan.

Samantala, hindi pa sinasagot ni Bad Boy ang pinakahuling patutsada ni Guanzon laban sa kaniya.

Batay sa mga post ni Robin sa social media, abala ito sa sa isinasagawang ‘Nationwide Mahalin Natin Ang Pilipinas Ride’  ng UniTeam nina Bongbong Marcos at Sara Duterte Carpio.

Sa kasalukuyan, nasa Kabikulan ang grupo nina Binoe at sinusubukang ligawan ang mga taga-lalawigan ng Sorsogon at Albay.

Si Robin ay may lahing Bikolano rin sapagkat ang kaniyang tatay na si Roy Padilla Sr., ay nagsilbi bilang dating bise gobernador at assemblyman ng probinsiya ng Camarines Norte.

Post a Comment

Previous Post Next Post