Bride-to-be isinuot ang wedding dress sa huling araw ng lamay ng nobyo

Marami ang naantig nang suotin ng isang dapat sana’y bride-to-be ang kaniyang wedding dress sa huling araw ng burol ng kaniyang nobyo.

Kuwento ni Alma Santos sa isang panayam sa GMA, napag-uusapan na nila ng nobyong si Francis Valenton ang pagpapakasal.

“Ino-open niya ‘yong about sa kasal na sabi niya, kung tayo naman ay ikakasal, ang gusto ko lang ‘yong simple. Kahit hindi bongga basta masabi ko lang din na akin ka. Wala na akong ibang ipapalit sa’yo. Ikaw lang ‘yong gusto ko,” salaysay ni Alma.

Maging sa kapatid na si Paulan Valenton ay nababanggit din ni Francis ang plano nitong pakasalan si Alma.

Sa katunayan, noong araw ng Pasko ay nag-inquire pa raw si Francis tungkol sa prenup pictorial.

“Kaya pala pursigido kang maghanap ng trabaho kasi gusto mong patunayan na kaya mong maging independent at mabigyan ng magandang future si Alma. Nakaka proud ka,” sabi ni Paulan sa isang Facebook post.

Gayunpaman, tila mapaglaro ang tadhana at bago pa tuluyang mabuo ang mga plano ng magkasintahan ay pumanaw si Francis noong Jan. 15 dahil sa sakit sa puso.

“Sa buhay, ‘di natin maiiwasang mapaharap sa isang sitwasyong hindi tayo handa. May mga times talaga na mabibigla na lang tayo sa mga pangyayari sa buhay,” ani Paulan.

Upang kahit paano ay matupad ang pangarap na kasal ni Francis ay nagsuot si Alma ng wedding gown. Natuloy rin ang prenup pictorial ng dalawa sa tulong ng mga mahal sa buhay ni Francis.

“Hanggang sa huling sandali binigyan mo ako ng chance na magsuot ng wedding dress habang palapit sa’yo. Sana nagustuhan mo ‘yong ayos ko bago ka namin ihatid,” ani Alma sa isang post.

Hiling naman ng kapatid ni Francis, sana ay napasaya nila ito sa huling pagkakataon.

“Sana’y kinilig ka at sana’y napasaya ka namin hanggang sa huling pagkakataon. I know you’re up there watching over and protecting her,” sabi ni Paulan.

Panoorin ang panayam ng GMA News kay Alma.

Post a Comment

Previous Post Next Post