Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Korina Sanchez nang tanungin ito kung tatanggapin ba niya sakali mang may alok mula sa ibang network.
Sa isinagawang virtual mediacon noong isang araw, sinabi ng dating Kapamilya broadcast journalist na bukas siya sa posibildad na muling lumipat ng network.

“Well, you know, I’m a free agent. All my doors are open,” pahayag ni Korina. “I don’t believe in burning bridges. I have a very good relationship still with the Lopezes and the management of ABS-CBN.”
Sa katunayan umano ang kaniyang show na ‘Rated Korina’ ay naka-simulcast sa iba’t-bang platforms – sa TV5 atA2Z, sa Kapamilya Channel, TFC, One CignalPH, at masaya siya dahil dito.
Malaki raw ang utang na loob niya kay Albee Benitez ng Brightlight Production dahil noong nagsara ang ABS-CBN ay hindi siya naghintay nang matagal upang magkatrabaho muli.

Ganun din umano kay MVP (Manny V. Pangilinan) ng TV5 na mabait sa kaniya at binigyan pa ng magandang timeslot ang kaniyang programa.
“But I’m really more contracted with an independent content provider and blocktimer,” paglilinaw ng misis ni Mar Roxas.
“So, if there’s an offer, why not?! I’d love to be working again with the people who I came to know as my family, as I was growing up in the industry. So, why not?” dagdag pa ng beteranang broadcaster.

Tungkol naman sa pagpasok ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ni Manny Villar sa industriya, makabubuti raw ito dahil ‘the more, the better’.
Sa kasalukuyan daw kasi, hindi balanse ang competition landscape, may ibang istasyon malalakas ang transmission at meron namang mahina ang transmission kahit may magagandang programa.
Pero para sa kaniya, ani Korina, kahit na uso ang live streaming ngayon ay importante pa rin ang may transmission dahil hindi lahat ng sulok ng Pilipinas ay may malakas na internet connection.

Hindi rin siya umano naniniwalang malapit nang mawala ang TV gaya ng sinasabi ng iba.
“Maybe not in the next five, eight, ten years. Iyan pa rin ang number one source of information. And the more strong frequencies we have — with good content — the better for our country!” anang premyadong broadcaster.
Si Korina ang isa sa mga unang natanggal sa ABS-CBN matapos mabigo ang kompanya ng mga Lopez na makakuha ng panibagong congressional franchise noong 2020.
BASAHIN: Mga top talents ng ABS-CBN, GMA at TV5 sinusulot ni Manny Villar?