Naranasan mo na bang grumaduate nang wala ang mga magulang mo sa araw ng iyong pagtatapos?
Masarap sa pakiramdam ‘yung naka-graduate ka pero mas masaya kung naroon ang iyong mga magulang sa mismong graduation mo, ‘di ba? Pero paano kung hindi nila ginustong dumalo?
Sa programang “Mars Pa More,” napag-usapan ang isang pahayag ni Herlene Nicole Budol na, “‘Di man nila ako nakitang nagmartsa, nasa puso naman daw ang suporta ng aking pamilya.”
Nakuwento ni Herlene na inaaya niya noon ang ama na samahan siya sa kanyang nalalapit na graduation.

“Sabi ni papa, ‘Mama mo na lang. Kaya ng mama mo yan.'”
Pero nang magpunta umano ito sa kanyang ina, sinabi nito na “Ano’ng ginagawa ng ama mo? Siya papuntahin mo.”
Ang kinalabasan ng pagtuturuan, walang magulang na dumalo.
Dahil walang magulang na nanood sa kanyang pagmartsa, hindi na lang siya umuwi. Nakisabay na lang daw siya sa kaklase na nag-celebrate.
Kuwento pa ni Herlene, hinintay niyang makalabas lahat ng mga tao at saka siya lumabas. Nagkunwari pa daw siya sa kanyang kaklase na kasama niya ang kaniyang mga magulang.

Hindi naman niya napigilang maging emosyonal nang maalala ang mga pangyayari noon.
“Nakakalungkot lang na napagtapos ko ‘yung pag-aaral ko na sarili ko lang. ‘Yun na lang gagawin nila [sumama sa graduation] hindi pa nila nagawa,” malungkot na sabi ni Herlene.
Hindi naman daw ipinaliwanag ng kanyang mga magulang kung bakit hindi sila umattend sa kanyang graduation ceremony.
Dati nang ikinuwento ni Herlene na hiwalay na ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang lola at lolo ang nagpalaki sa kaniya.

“Nagtuturuan sila kasi ayaw lang nilang magkita talaga,” aniya.
Sa kabila ng nangyari noon ay napatawad na daw ni Herlene ang kanyang mga magulang. Payo pa ng kanyang ama na huwag daw magtatanim ng sama ng loob lalo na sa mga magulang.
Pangarap naman niya na sana ay magkaroon na siya ng toga picture dahil simula elementary ay wala pa daw kasi siyang toga picture na nakasabit sa kanilang bahay.
Sa darating na Mayo ay inaasahan niyang makaka-graduate siya sa kolehiyo pero hindi pa raw sigurado si Herlene kung makaka-graduate sa Mayo dahil hindi pa umano siya nakagagawa ng thesis.
PANOORIN: