Love scam: Lalaki nabiktima ng nobyang nakilala lang online

Love hurts, pero love hurts even more kung niloko ka na, pinerahan ka pa.

Isang lalaki ang na-in love sa babaeng nakilala niya online. Pagkatapos ay nagsimula na itong humingi sa kanya ng pera kahit hindi naman siya sinisipot in person. Nalaman niya kalaunan na naging biktima na pala siya ng “love scam,” ayon sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras” noong Huwebes.

Na-love at first sight daw umano ang biktimang nagngangalang Tino (hindi na sinabi ang tunay na pangalan) sa babaeng nangangalang Andrea na nakilala niya online.

“Chinek ko ang profile pic niya. Ang ganda. As in, sobrang ganda,” wika ni Tino.

Lalong humanga ang lalaki nang makitang maganda ang babae at araw-araw na raw sila nag-uusap online.

Ayon pa sa kanya, “Hindi tumatakbo ang araw na hindi kami nagkaka-chat, nag-uusap.” 

Hindi rin niya alintana na madalas nang humingi sa kanya ng load ang kasintahang si Andrea.

Hindi lamang iyon, humingi rin si Andrea ng pera para pambayad sa mga bills at pambili umano ng gamot para sa kaanak na may sakit.

Patuloy pa ring pinagbigyan ni Tino ang mga kahilingan ng kasintahan na nakilala lamang online, kahit na lagi siyang tinatanggihan na makipagkita sa kanya.

Isang araw, naghinala na ang binata na parang niloloko na siya ni Andrea pagkatapos nitong humingi ng malaking halaga sa kanya.

“Mayroon daw sinanla na lupa ‘yong tatay niya, tutubusin niya raw so nag-iba na kutob ko noon,” ani Tino.

Ayon sa NBI Anti-cybercrime division, si Tino ay nabiktima ng tinatawag na ‘Love scam.’

Ang mga gumagawa ng mga panloloko sa pag-ibig ay gumagawa ng mga pekeng profile at ginagamit ang mga ito para makaakit ng mga tao online, magpanggap na umiibig, gamitin ang mga biktima upang makuhanan ng pera  o makapangbudol.

“Love scam, just like any other scams online, ang pinagkaiba lang po nito, ang tinatarget ‘yong emotional vulnerability ng mga victims natin,” sabi ni senior agent Atty. Kristita Amores.

Ayon sa isang pag-aaral ng Kaspersky, isang multinational cyber security company, dumami ang kaso ng mga taong nabiktima ng mga scam sa pag-ibig  simula noong 2020 o noong panahong may limitasyon sa paggalaw ng mga tao dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Nagbabala ang National Bureau of Investigation sa publiko laban sa mga pekeng social media account.

Minsan, ang mga scammer ay nagpapakilalang mga dayuhan na naghahanap ng mapapangasawa, saad ng NBI.

Pinipili ng mga suspek ang mga taong bibiktimahin nila online, kabilang ang mga retiradong propesyonal.

Tinitingnan ng mga scammer ang mga profile ng mga magiging biktima, kung sila ay nakatira mag-isa o sila ay may pamilya o mga alagang hayop.

Isa sa mga senyales na scam ang taong gustong makipagkaibigan sa iyo online ay kapag tumatanggi itong makipagkita sa iyo nang personal o sa pamamagitan ng mga video call.

Ang “red flag” o panghuling babala na palatandaan ay kapag nagsimulang humingi ng pera ang taong ito. Kwidaw na.

Post a Comment

Previous Post Next Post