Ilang taon nang masaya at going strong ang relasyon ng celebrity couple na sina Arjo Atayde at Maine Mendoza ngunit hanggang ngayon ay marami pa ring nagsasabi na ginagamit lamang nito ang tinaguriang “phenomenal actress” – bagay na hindi rin nagugustuhan ni Maine na diumano ay humingi pa raw ng tawad sa ina ni Arjo na si Sylvia Sanchez.
Sa YouTube channel ng beteranong showbiz reporter at host na si Ogie Diaz, ibinahagi ni Sylvia kung paano nila hinaharap ang sinasabi ng mga basher dahil sa pagiging magkasintahan nina Arjo at Maine, lalo na ngayong tumatakbo ang kanyang anak sa pagka-congressman ng District 1 ng Quezon City.
“Actually, hindi pa tumatakbo si Arjo, binato na ‘yan sa anak ko, e. Pinagtawanan na lang ng anak ko ‘yon, e. Pati nga ako, ginagamit ko raw si Maine dahil wala raw kaming mga career. Hindi raw kami sikat,” ani Sylvia.

Kung pagbabasehan ang mga komento at post sa social media, mapapansin na hanggang ngayon ay maraming AlDub (Alden Richards at Maine) fans ang hindi pa rin tanggap na hindi nagkatuluyan ang “phenomenal love team” na nagsimula sa Eat Bulaga!.
“Wala raw career si Arjo, wala raw akong career. Alam mo, Mare, sa totoo lang, hiyang-hiya si Maine. Nagso-sorry, sabi niya, ‘Tita, I’m sorry.’ Kasi ‘yon nga, sinasabi na ginagamit, kasi ang habol daw namin kay Maine ‘yong milyon niya, ‘yong pera niya, ‘yong McDo niya. ‘Yong gano’n na paninira,” pagpapatuloy ni Sylvia.

Natawa na lamang ang premyadong host dahil ang totoo ay mayaman din naman ang pamilya Atayde at hindi naman iyon lingid sa kaalaman ng marami.
Ngunit para naman kina Sylvia, hindi na raw mahalaga ang sinasabi ng iba dahil maganda ang samahan nila at alam naman ni Maine na malinis ang intensyon sa kanya ni Arjo.

“Kilala naman namin ang sarili namin, e,” wika ng beteranang aktres. “Okay lang sa amin kasi alam naman ni Maine ang katotohanan. Si Maine ngayon, ‘Tita, I’m sorry. Hiyang-hiya ako.’ Kaya sinasabi ko kay Maine, ‘Maine, hindi ikaw ang namba-bash, hindi ikaw ang naninira. At hindi gano’n ang paniniwala mo sa amin. So okay na kami do’n, masaya na kami.’ Ang importante si Maine at si Arjo at ang pamilya ni Maine at kami.”
Hanga rin daw si Sylvia sa kanyanga anak dahil talagang pinoprotektahan nito ang kasintahan at kailanman ay hindi raw ito isinama sa kampanya.

Dagdag pa niya, ang nais daw ng anak ay manalo ito dahil siya ang pinili ng tao at hindi dahil kasintahan siya ng sikat na Phenomenal Star. Wika raw ni Arjo, “Ayoko siyang i-front, ayoko siyang dalhin do’n. Gusto kong manalo na dahil ako, dahil si Arjo ako at pinagkatiwalaan ako ng mga tao, dahil ginusto at minahal ako ng District 1, hindi dahil ginamit ko si Maine.”