Ipinagtanggol ni Senador Nancy Binay ang kaniyang amang si Jojo Binay laban sa mga patutsada ni Edu Manzano.
Ito ay matapos maglabas ni Edu ng saloobin tungkol sa kandidatura ng nakatatandang Binay na tumatakbo sa ilalim ng tandem nina VP Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan.

Ani Edu, na sinusuportahan rin si Robredo at Pangilinan, hindi niya iboboto ang dating nakatunggali sa pulitika sa Makati City.
“I’m sorry but Binay is not my candidate. Worked with him for 3 years and saw it all. Will post COA documents soon. I have them all,” pahayag ng batikang aktor sa kaniyang Twitter.

“Natalo po si Jojo Binay as congressman First District of Makati in 2019 after losing the Vice-Presidency in 2016. Corruption hounded his candidacy,” dagdag pa nito.
Bitter?
Hindi naman ito pinalampas ni Senador Nancy Binay na kaaagad dinepensahan ang kaniyang ama.
Anang senador, ‘di naman daw nakatrabaho ng aktor si Jojo Binay.

“Wait, ‘di ba never ka naman nakatrabaho ng Dad ko?” tweet naman ng mambabatas. “Hmmm… ang alam ko lang tinalo ka niya not once, but twice.”
Ang naturang tweet ni Senador Nancy ay may kalakip na larawan ng ampalaya at may hashtag na #AmpalayaPaMore at #BeNice.

Kung matatandaan, noong 1998 local election ay nakakuha ng pinakamaraming boto si Manzano sa pagka-vice mayor ng Makati subalit hindi ito nakaupo dahil sa kaniyang kuwestiyonableng citizenship.
Tumakbo rin ang actor-politician bilang bise presidente noong 2010 subalit tinalo ni Binay.